No Sorry ni PNoy ikapapahamak ng OFWs

AQUINOMANILA – MARAMING sari-saring pangamba gaya ng posibleng giyera at pagmamalupit sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong dahil sa patuloy na pagtanggi ni pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na humingi ng dispensa dahil sa mga napatay na Hong Kong nationals noong unang taon ng kanyang termino. Hinimok ng ilang miyembro ng Simbahang Katolika ang pangulo na humingi na ng paumanhin upang maiwasan ang tuluyang paglala ng relasyon ng dalawang bansa.

Sinabi ni Archbishop Emeritus Oscar V. Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang “I’m sorry” ay maliit na bagay, ngunit magiging sapat para mapawi ang hinagpis ng kaanak ng mga biktima.

Aniya, “Paumanhin lamang ang hinihingi ng gobyerno ng Hong Kong. May pagkakamaling nangyari bakit tila hindi kayaning humingi ng paumanhin, lalo na ng pangulo ng bansa sa ngalan ng mamamayan?”
“Nakakahiya ang nangyari, hindi alam ng kapulisan ang gagawin sa taong humihingi lamang na maibalik sa trabaho,” ani Cruz.

Giniit naman ng executive secretary ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na si Fr. Edwin Corros na kailangang bigyan ng administrasyon ng alternatibong hanapbuhay ang mga OFW na magiging apektado ng ipinataw ng Hong Kong government na ang sanction bunsod ng pagmamatigas ng pangulo na humingi ng paumanhin.

Dagdag pa ni Cruz, hindi na dapat pinatagal ng pangulo ang hiling ng mga taga-Hong Kong upang hindi na sana maapektuhan ang tinatayang halos 167,000 manggagawang OFW sa Hong Kong na bumubo ng 5.5% ng kabuuang bilang ng mga OFW sa ibat-ibang panig ng mundo.

Matatandaang noong isang linggo tinawag na ‘ignorante’ at ‘amateur’ ng Xinhua News Agency state press agency ng People’s Republic of China si pangulong Aquino matapos nitong ikumpara kay Hitler ang agresibong hakbang ng Tsina sa West Philippine Sea na ikinabahala naman ng maraming Pilipino.

You May Also Like