NLEX uumpisahan ang kampanya para sa ika-5 diretsong titulo sa D-League

story 2-nlexSimula nang mabuo ang liga noong 2010 ay tanging NLEX Road Warriors pa lamang ang nakakatikim ng kampeonato sa PBA D-League.

At sa pagbubukas ng ikalima nitong conference sa Martes, March 12, ay bubuksan din ng NLEX ang kamapanya nito para sa ikalimang sunod na titulo.

Ngunit hindi ito magiging madali, sabi ni NLEX head coach Boyet Fernandez, dahil nagpalakas na rin ang iba pang mga koponan at tiyak na ang Road Warriors ang kanilang pupuntiryahin sa PBA D-League Foundation Cup.

Dagdag pa sa pahirap sa NLEX ay ang tatlong bagong koponan na sasali sa liga umpisa sa conference na ito.

“This will be a very exciting and competitive conference. With three new teams joining the league, defending the crown will be tough,” sabi ni Fernandez.

Ang tinutukoy ni Fernandez ay ang paglahok sa liga ng Hogs Breath Café, Jumbo Plastic at EA Regen Medical Group Inc.
Bukod sa NLEX ay nagbabalik din sa liga ang Big Chill, Blackwater Sports, Boracay Rum, Café France, Cebuana Lhuillier, Fruitas Shakers, Informatics at Cagayan Valley na hindi man lang nakatikim ni isang panalo sa Foundation Cup noong isang taon ngunit pumasok sa finals ng katatapos na D-League Aspirants Cup.

Binigo ng NLEX ang Cagayan sa best-of-three finals, 2-0. Sa unang tatlong conference finals ay umiskor din ng 2-0 sweep ang NLEX laban sa Cebuana Lhuillier (2010-11 Foundation Cup), Freego (2011-12 Aspirants Cup) at Big Chill (2011-12 Foundation Cup).

“The just concluded Aspirants’ Cup saw the rise of new stars and new rivalries. I expect no less this conference. The Foundation Cup, with three new teams taking part, promises to be as thrilling and exciting,” sabi naman ni PBA Commissioner Chito Salud.

Sa unang araw ng 2012-13 Foundation Cup ay agad na sasabak sa aksyon ang NLEX na mapapalaban kontra Big Chill.
“We just have to continue to outwork everyone and be ready every game so we can give our team a chance to defend the crown,” dagdag pa ni Fernandez.

Ang elimination round ng Foundation Cup ay single round robin at ang mangungunang dalawang koponan ay awtomatikong aabante sa semifinal round.

Ang No. 3 at No. 4 teams naman ay magkakaroon ng twice-to-beat advantage laban sa No. 6 at No. 5 teams sa quarterfinal round.

Ang semifinal round at ang Finals ay magiging best of three series pa rin.

You May Also Like