NLEX mapapalaban kontra Cafe France

Binuksan ng nagdedepensang kampeong NLEX Road Warriors ang 2013 PBA D-League Foundation Cup sa paglasap ng dalawang sunod na kabiguan. Ngunit bumawi ang koponan sa pagtuhog ng magkasunod na panalo para umangat sa 2-2 ang kartada nito sa team standings.

story 2-NLEX d-leagueSa Martes ay tatangkain ng NLEX na mapalawig sa tatlo ang winning streak nito laban sa nangungunang Café France.

Katabla ng Café France sa ibabaw ng team standings ang Blackwater Sports na may 4-1 baraha rin. Galing ang Bakers sa 107-92 pagwawagi kontra EA Regen Med at pakay naman nila ang ikalimang diretsong panalo sa Martes kaya tiyak na mahihirapan ang Road Warriors sa larong ito.

Ang  unang apat na kampeonato ng liga ay napunta sa NLEX pero hindi tulad sa unang apat na conference ng liga, tila hirap ang Road Warriors na madomina ang elimination round dahil nagpalakas din ng tauhan ang ibang koponan lalung-lalo na ang Café France na pinangungunahan nina Michael Parala, Mon Abundo, Ryan Gallardo, Marion Magat at Michael Silungan.

Ang NLEX naman ay patuloy na umaasa kina Nico Salva, Kevin Alas, Jake Pascual, Jeff Long, Ronald Pascual at Garvo Lanete.

Sa isa pang laro sa Martes ay magsasagupa ang Blackwater Sports Elite at Jumbo Plastic Linoleum Giants.

Ang Giants, na isa sa tatlong bagong koponan sa liga, ay may isang panalo sa limang laro at may three-game losing streak. Muli silang madedehado kontra Elite na itinuturing na isa sa paboritong koponan sa torneyong ito.

You May Also Like