‘Ninja Pulis’, Patay sa Pulis-QC

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
ISANG mataas na ranggo na pulis ng Quezon City Police District (QCPD) ang pinatay ng kapwa niya pulis sa Lungsod Quezon.
 
Kinilala ni Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, tumatayong pinuno ng QCPD, ang namatay na si Senior Insp. Ramon Castillo, kasapi ng District Anti-Illegal Drugs – Special Task Operations Group (DAID-STOG).
 
Si Castillo ay namatay nang makipagbarilan sa mga kasapi ng iba’t ibang yunit ng QCPD, sa pangunguna ng District Special Operation Unit (DSOU) sa ganap na 3:30 N.U.
 
Si Castillo ay isang taon nang nakadestino sa DAID-STOG.
 
Si Castillo ay sinasabing isa sa mga pulis na sangkot sa pagre-recycle ng shabu, o “ninja” na pulis.
 
Ang ibig sabihin ng ninja sa lenggwahe ng pulis ay mga parak na linyado sa pagbebenta ng shabu sa kanilang mga parokyano mula sa ‘ninakaw’ nila sa nakukumpiskang shabu na galing sa mga drug dealer.
 
Ang shabu ay naibebenta sa pamamagitan ng network ng mga drug pusher ng ninja.
 
Ayon kay Eleazar, si Castillo ay namatay sa isinagawang buy-bust operation na naganap sa harapan ng isang food chain sa kanto ng Regalado Avenue at  Bullova St. sa Brgy. Greater Fairview sa ganap na 3:30 N.U.
 
Nabatid ng Tapat News online at bi-monthly newspaper mula sa mga pulis na si Castillo ay nakatakdang maghatid ng P1-milyong halaga ng shabu sa inaasahang bibili nito, ngunit hindi natuloy nang maramdaman niya na ang pinapasok niya ay isang buy-bust operation pala ng QCPD laban sa kanya.
 
Kaya, ang ginawa ni Castillo ay pinatakbo niya nang mabilis ang kanyang itim na Toyota Innova upang makatakas sana.
 
Habang tumatakbo nang mabilis, nagpapaputok si Castillo sa mga pulis na humahabol sa kanya.
 
Ngunit, naharang ang kanyang sasakyan sa kanto ng Regalado Avenue at Boluva St. kung saan nagkabarilan nang matindi sa pagitan ni Castillo at mga pulis sa pangunguna ng DSOU.
 
Si Catillo ay nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
 
Ayon kay Supt. Roghart Campo, hepe ng DSOU, na nanguna sa operasyon laban kay Castillo, ginawa nila ang lahat ng paraan upang madakip ng buhay si Castillo, ngunit pinili nito na makipagbarilan sa kapwa niya mga pulis.
 
Kaya, napilitan ang  mga pulis QCPD, sa pangunguna ng DSOU na barilin si Castillo.
 
Ang P1-million halaga ng shabu na tinatayang 200 gramo ang bigat ay natagpuan sa loob ng sasakyan ni Castillo.
 
Nasiyahan naman si Chief Supt. Oscar Albayalde, tumatayong pinuno ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), sa ulat na nagtagumpay ang lehitimong operasyon ng QCPD sa pangunguna ni Supt. Campo.
 
Ani Albayalde, ang operasyon laban sa mga pulis ninja na tulad ni Castillo ay bahagi sa paglilinis ng Philippine National Police (PNP) mula sa mga pusakal na mga pulis tulad ng mga ninja.

You May Also Like