Nilabag ang batas para sa usapang-pangkapayapaan

Tiamzon
PINALAYA NA!: Ang pagpapalaya kina Benito at Wilma Tiamzon, mga pinuno ng Communist Party of the Philippines (CPP), ay pagpapatunay na tuloy na talaga ang usapang-pangkapayaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) mula Agosto 22 – 27 sa Oslo, Norway. Umaasa ang mamamayang Pilipino na mayroong subtansiyal na kahihinatnan ang usapang-pangkapayapaan. (Mon Estabaya)

Ni: Jan Sinocruz

 
ITO ang nangyari makaraang palayain korte ang mag-asawang Tiamzon na nahaharap sa sangkaterbang mga kasong kriminal na kung tutuusin ay ipinagbabawal ng batas na makalaya sila kahit pansamantala.
 
Kaninang 11:30 ng umaga nang tuluyang pinalaya sina Benito at Wilma Tiamson mula sa pagkakakulong sa Camp Crame.
 
Si Benito ay siyang taga-pangulo ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ang asawa niyang si Wilma ang pangkalahatang-kalihim ng partido-komunista.
 
Ang dalawa ay kasama sa isasagawang usapang-pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Agosto 22 hanggang Agosto 27 sa Oslo, Norway bilang consultants ng pangkat ng komunista.
 
Sa kanyang paglaya, sabi ni Benito: “Kami ay nagpapasalamat kay Presidente Rodrigo Duterte sa pagpapalaya sa amin at sa pagbubukas muli ng usapang pangkapayapaan para pag-usapan ang mga malalimang reporma sa lipunan, sa ekonomiya, sa pulitika na kinakailangang para bigyang wakas ang armadong labanan.”
 
“Sa kabuuan, kami ay malaki ang tiwala na susulong at makakamit ang mga pagkakasundong pangkapayapaan para makamit ang mga repormang panlipunan,” patuloy niya.
 
“Alam namin na maraming hamon, sagka na kailangang igpawan para magtagumpay ng lubos ang usapang pangkapayapaan,” diin ni Benito.
 
Sabi naman ni Wilma “Nagpapasalamat kami kay Presidente Duterte na maibabalik sa tamang landas ang usapang pangkapayapaan.”
 
Idiniin niya na “Kailangang mapaksa ang mga makabuluhang usapin sa ating lipunan at mga batayan kung bakit mayroong digmaan na nangyayari.”
 
Pansamatalang pinalaya ang mag-asawa makaraang payagan ng Manila Regional Trial Court (MRTC) na sila ay makapagpiyansa sa halagang P100,000.00.
 
Ang mag-asawa ay nahaharap sa maraming kasong kriminal sa MRTC, kabilang na ang walang kinalaman sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.
 
Sinundo ang mga Tiamzon ng pulang sasakyan na pag-aari umano ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao.
 
Sa rekord ng Armed Forces of the Philippines (AFP), inaresto ang mag-asawa noong Marso 22, 2014 dahil sa mga kasong multiple murder at frustrated murder.
 
Ang mga kaso nina Tiamzon ay mabibigat na kasong kriminal na hindi pinapayagan ng batas na magpiyansa.
 
Ngunit, pinayagan ng korte na sila ay makapagpiyansa upang makalahok sa usapang-pangkapayapaan.
 
Ang mag-asawang Tiamson ay dalawa lamang sa 22 lider-komunistang nahaharap sa samu’t saring kasong kriminal, na pinalaya ng iba’t ibang korte dahil kasama silang lahat sa usapang-pangkapayapaan bilang mga consultant.
   
Matatandaan na mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nakiusap na pansamantalang palayain ang mga NDFP consultant, kabilang na ang mga Tiamzon, alang-alang na rin sa kagustuhan ng Pangulo na matapos na ang hidwaan ng mga Pilipino gamit ang baril.
 
Ang mabigat pa rito, sagot ng pamahalaan ang lahat ng gastusin ng 22 NDFP consultants sa kanilang pagtungo sa Oslo.
 
Sa kabilang dako, dahil sa ginawang pagpapalaya kina Tiamzon ay nakatakda namang palayain ng NDFP – Southern Mindanao ang dalawang pulis na bihag nila mula pa noong Mayo.
 
Ayon kay Rubi del Mundo, tagapagsalita ng NDFP – Mindanao, inatasan na ng pamunuan ng NDFP ang yunit ng New People’s Army (NPA) sa Compostela Valley na palayain ang kanilang bihag na sina Chief Insp. Arnold Ongachen at si PO1 Michael Grande na isang “goodwill para sa nakatakdang ganapin na peace talks.”
 
Nabatid na sa direktiba na ipinalabas ng NDFP pinasususpinde nito ang judicial proceedings laban kina Ongachen at Grande na inakusahan na nakagawa ng ‘war crimes’ at lumabag sa karapatan pantao.
Si Ochagen ang siyang hepe ng pulisya ng Governor Generoso PNP sa Davao Oriental.
Siya ay nabihag ng NPA noong Mayo 29, 2016 bunsod na rin sa akusasyon laban sa kanya na sangkot umano ito sa iligal na bentahan ng droga.

You May Also Like