Nginig ng 2016

vol 1 no 8

Sa gitna ng kaguluhan na hatid ng patuloy na tanong at misteryo sa likod ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines, samahan pa ng sumisirkong karnabal ng kampanya, may iilang grupong nakatuon na, hindi sa Mayo 13, kung hindi sa 2016.
May kakaibang antolohiya ang mid-term elections ngayong taon. Naging matunog ang ‘Team Buhay/Team Patay’ dahil sa mga ordinaryong mamamayan ng diyosesis ng Bacolod na naglakas-loob na lantarang gawing pamantayan sa pagboto ang usapin ng buhay. May love team din dahil sa iyakan at mala teleseryeng romansahan ni Chiz Escudero at Heart Evangelista. Ang sagot ng publiko? Bumagsak si Escudero ng ilang puwesto sa mga survey. Halatang hindi lamang ang mga magulang ni Heart ang ‘di boto sa kaniya.

‘Di naman mawawala ang suspense at katatakutan dahil sa mga PCOS machines. Gumagana nga ba ang mga ito? Gaano ka-wasto ang automated tally nito kumpara sa manual? Talaga bang hindi makakalikot ang source code nito? Ngunit kung tutuusin, ang pinaka agaw pansin na kaganapan sa nagdaang campaign period ay ang napakalawak at hindi maipagkakailang paglahok ng mga Katoliko sa larangan ng pulitika – sa pagendorso, lantarang pagkilatis ng mga kandidato at – para sa iilan — pagtakbo bilang kandidato.

Hindi kailanman sa kasaysayan ng bansa – ngayon lamang – nagkaroon ng napakabilis at ‘di mapigilang pagbugso ng damdamin para sa isang napakahalagang isyu at dagliang nagkaroon ng mga kaakibat na pagkilos upang bumuo ng mga grupong susulong nito sa pulitika. Sa ilang buwan nagkaroon ng Catholic Vote Philippines, White Vote Movement, Lay Initiative for Elections (LIFE) at iba pa. Hindi pa kasama dito ang mga maliliit na grupo sa mga parokya, diyosesis at paaralan.

Kung titingnan sa konkreto, nananatiling huli sa mga survey ang top 3 na kandidato sa pagka-senador na ineendorso ng karamihan ng mga nasabing grupo. At kung umikot ka kahit sa Metro Manila, masuwerte kung may makita kang poster ng kahit isa kina JC Delos Reyes, Marwil Llasos at Lito David – hindi galing sa political dynasty, mga baguhan sa pulitika at saradong Katolikong pro-lifer. Nakababahala? Nakapanghihina?

Dito papasok ang usapin ng 2016. Kung ang Simbahang Katolika – at ang tunay na ibig sabihin ng ‘Simbahan’ ay lahat ng nananampalataya, hindi lamang pari at obispo – ay nakayanang makapag-organisa ng kanilang sarili sa loob ng ilang buwan, ano pa kaya ang maaaring mangyari sa tatlong taong paghahanda?

Ayon kay Philippine Star columnist Bobit Avila, namangha siya sa isang Unity for Life rally na nadaluhan niya sa Cebu, kung saan ipinahayag ng grupong LIFE ang kanilang mga kandidatong ineendorso para sa eleksyon. Mga 3,000 na katao ang dumalo at ani Avila, hindi mga ‘hakot’ ang mga ito na sanay tayong makita sa rally ng anumang partido. Ang mga sinasabing ‘hakot’ ay madaling makilala: pare-pareho ang suot na t-shirt, kailangang pakainin ng packed lunch pagkatapos at siyempre may ‘baon’ pauwi dahil sa pagdalo, naglalaro sa P350 o P500 kada tao.

Ngunit kakaiba ang 3,000 na kataong dumalo sa Plaza Independencia sa Cebu; walang pumilit sa kanilang pumunta at talaga namang naniniwala sila sa prinsipyong pinagsisigawan sa entablado. Sa totoo lamang, ang 3,000 ay maliit kung ihahambing sa milyun-milyong botante sa bansa, ngunit hamunin natin ang kahit anong grupo o partido na tapatan ang paninindigan, pagkamasigasig, at dami ng mga Katolikong pro-life at malamang, wala silang katulad. Marahil, dito nakasalalay ang tunay na nginig ng 2016. Ang 2013 ay isang pagbabanat ng buto, isang ‘litmus test’ para sa potensyal ng tulog na higante ng Katolikong botante.

You May Also Like