Natutulog sa pansitan ang DOLE

SIGURADO kami na galit na galit ang mga opisyal sa pamahalaan, kabilang na si Senadora Leila de Lima at limang police general, na tinukoy at isinapubliko ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na protektor umano ng mga sindikato ng iligal na droga.
 
Marahil, sinasabi nila na anong klaseng Pangulo itong si Digong na inilantad at kinaladkad sa media na sila ay kumikita mula sa sindikato, e hindi naman totoo kung sila ang tatanungin ninyo.
 
Para sa kanila, mas okey si Benigno Noynoy Aquino kasi hindi ibinunyag ang mga sangkot sa droga.
 
Sa gyerang ikinasa ni Duterte laban sa bawal na gamot, kitang-kita na aktibung-aktibo ang Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa implementasyon ng gyera.
 
Maliban sa droga, nagdeklara rin ang Pangulo ng gyera laban sa maling pamamaraan ng pagmimina at kontraktuwalisasyon.
 
Kumikilos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa iligal na pagmimina.
 
Katunayan, sampu na ang napapatigil nito dahil sa paglabag sa batas at pamantayan sa pagmimina.
 
E, ang Department of Labor and Employment (DOLE), ano na ba ng ginagawa nito laban sa kontraktuwalisasyon?
 
Mayroon na bang natukoy at napasarang mga kumpanya, pabrika, supermarket, security agency, o anumang establisimiyento na nagpapraktis ng kontraktuwalisasyon?
 
Ang dami-daming kumpanya kung tutuusin ang promotor ng kontraktuwalisasyon, pero tila natutulog sa pansitan ang DOLE na pinamumunuan ni Sylvestre Bello III.
 
Opo, ang dami-dami kasi halos 36 milyon ang kontraktuwal na mga manggagawa at empleyado sa Pilipinas.
 
Sa pamahalaan nga lang ay higit kalahati ng 36 milyon ay kontraktuwal.
 
Ano ba ang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga opisyaal ng DOLE kabilang na si lider-manggagawa at dating sundalo ng New People’s Army (NPA) na si Usec. Joel Maglungsod upang matulog sa pansitan?
 
Sigurado kaming nagkekekendeng sa tuwa at ligaya ang mga kapitalista dahil walang ikinakasang gyera ang DOLE laban sa kontraktuwalisasyon.
 
Alam nating lahat na ubod ng baba ng sahod ng mga kontraktuwal, pagkatapos hindi umaabot sa limang buwan ang trabaho nila, pero mabagal pa sa pagong kung kumilos ang DOLE.
 
Imadyinin ninyo, hilong-talilong ang manggagawang kontraktuwal kung paano pagkakasyahin araw-araw ang sinasahod niyang wala pa sa minimum—at pagkatapos ng tatlo, o limang buwan ay tapos na ang kanyang kontrata.
 
Maghahanap na naman siya ng panibagong trabaho para kumita uli sa loob ng tatlo hanggang limang buwan.
 
Sa panahong ito,  tatanggap uli siya ng suweldong malayong-malayo sa P491 kada araw (sa Metro Manila), o sa P220 kada araw kung taga-Region 4 – B ka, o taga Region 8 ka.
 
Ang ganitong klaseng buhay ay kabisadong-kabisado ni Maglungsod, sapagkat nakita niya ito sa reyalidad bilang dating opisyal ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Mindanao—sa Mindanao pa na maraming kapitalistang galak na galak sa pagpapasahod ng hindi umaabot sa P300 kada araw.
 
Nararapat at tunay na napapanahon ang gyera laban sa konraktuwalisasyon, ngunit hindi ito matatapos kahit isandaang Maglunsod pa ang italaga ni Pangulong Duterte sa DOLE kung ang mga opisyal namang ito ay natutulog sa pansitan.

You May Also Like