Nasaan ang Pagbabago? Mayroon ba?

 

EKSAKTONG anim na buwan nang Pangulo ng  Republika ng Pilipinas si dating Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte.

Si Duterte ay tumakbo at nanalo sa political slogan na “change is coming.”

Ang nilalaman nito ay kampanya laban sa iligal na droga, korapsyon, pagwawakas ng kontraktuwalisasyon, at paghinto ng kung anu-anong perhuwisyo sa ordinaryong mamamayan tulad ng laglag-bala sa airport.

Sa loob ng anim na buwan, kapansin-pansin na naging agresibo at mabangis ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Mahigit 2,000 ang namatay na pinaniniwalaang drug pusher sa lehitimong operasyon ng Philippine National Police (PNP), samantalang mahigit 4,000 pinaniniwalaang drug pusher ang itinumba ng mga hindi kilalang mamamatay-tao.

Mayroon ding namatay na mga drug lord.

Sabi ni Duterte, ang mga protektor ng mga drug lord ay nakapuwesto sa tatlong sangay ng pamahalaan: Ehekutibo, Lehislatura, at Hudikatura.

Binalaan ni Duterte na tatanggalin sa kanilang posisyon ang sinumang opisyal ng pamahalaan ang masasangkot sa korapsyon na naganap, pero hindi laganap.

Hindi maitatangging hindi kasing agresibo ng kampanya laban sa iligal na droga ang paglaban ng administrasyong Duterte laban sa korapsyon at pandarambong, gayong higit itong malala kumpara sa iligal na droga.

Wala pang substansiyal na resulta ang pagtigil sa kontraktuwalisasyon, sapagkat ang mga namumuno sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamumuno ni Secretary Sylvestre Bello III ay higit na pinapanigan ang mga kapitalista kaysa mga manggagawa.

Mas mainam pa nga ang kampanya ni Environment Secretary Regina Lopez sa mga iligal na pagmimina ng mga malalaking kompanya kumpara sa tropa ni Bello.

Ang isa pang pangyayari ay ang pagsira ni Duterte sa relasyon ng Estados Unidos at ng Pilipinas.

Binigwasan ni Duterte ang ‘magandang’ relasyon ng dalawang bansa.

Kinampihan ng Pangulo ang People’s Republic of China at inilalapit niya ang bansa sa Rusya na labis na ikinagagalit ng Amerika, sapagkat kaaway niya ang China at Rusya.

Sa ganitong pangkalahatang mukha ng naganap sa Pilipinas sa loob ng anim na buwan, hindi maipagkakailang mayroong pagbabagong naganap, ngunit hindi ito kahanga-hanga.

Marami pang dapat gawin ang administrasyong Duterte, lalo na sa korapsyon at pandarambong, at sa kontraktuwalisasyon.

Malaking problema ng mga manggagawa ang kontraktuwalisasyon, sapagkat ito ang dahilan kung bakit milyun-milyon ang mga manggagawang hindi regular ang trabaho.

Ang isa pang malaking sakit ng ulo ng mga manggagawa ay ang sahod na minimum na nga, ngunit hindi pa naibibigay nang tama.

Sana higit na maging masigasig si Pangulong Duterte laban sa korapsyon, pandarambong, kontraktuwalisasyon, tamang pasahod, at iba pang suliranin ng bansa sa susunod na mga buwan.

Sana, hindi lamang ang iligal na droga ang pagtuunan ng pansin ni Duterte, sapagkat napakaraming suliranin ang Pilipinas.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like