Nasa iyo pa rin ang desisyon

The Jumping WallKakaumpisa pa lang uli ng pasukan. Bago dumating ang buwan ng Hunyo at Hulyo, marami sa atin ang nasa gitna ng malaking pagdedesisyon. Kung anong kurso ang kukunin sa pasukan, kung saan itutuloy ang pag-aaral, kung san mag-a-apply, kung magtutuloy pa ba ng post-graduate studies, kung lilipat ba ng kumpanya at marami pang iba. Iba-iba ang dahilan kung bakit pumapasok sa isip ng ilan ang mga ganitong pagdedesisyon. Maaaring dahil sa pagbabago ng interes, lumalaking pamilya, pag-ayos ng kasalukuyang buhay at iba pang mga personal na kadahilanan.

Madalas na maririnig natin sa mga taong dumarating sa tinatawag na “crossroads” ay ang paghihintay sa mga “signs” o mga pangitain. Ito ay ang mga inaabang senyales na siyang magbibigay hudyat para kumilos at magdesisyon. Walang eksaktong signs, kadalasan ay depende rin sa humihingi. Iba-iba rin ang tsansa ng pagdating. May iba na marahil ay gusto na talagang simulan ang pagbabago sa buhay, ngunit dahil gusto lang niya ng kumpirmasyon, sobrang madali ang hinihingi niyang sign. Halimbawa ay ‘pag may dumaang jeep na kulay asul sa kalsada. Pero may iba naman na halos ayaw nang kumilos kaya ang senyales na hinihingi ay ‘pag may nakita siyang lumalangoy na ostrich sa may ilog sa ika-pitong bundok sa kanilang lugar. Unang-una, wala namang bundok sa bayan nila.

Ano nga ba ang signs na kailangan para tayo kumilos at magdesisyon? Marami sa atin ang nahihinto na sa paggalaw, kakahintay sa mga senyales na dumating sa kanilang harapan. Kung tutuusin, ang pagkunsidera na gumawa ng desisyon at pagbabago ay isa nang senyales na dapat na tayong may gawin sa ating buhay. At ang paghihintay ng senyales ay ang pangalawang hudyat na dapat na tayong kumilos dahil tila nagiging desperado na tayo na idepende sa iba ang patutunguhan ng ating kapalaran. Isang biyaya ang pagkakaroon ng karapatang magdesisyon sa sarili. Gamitin natin ito nang mabuti.

(rogie_ylagan@yahoo.com / theignoredgenius.blogspot.com)

You May Also Like