‘Narco-politics’ sa lalawigan ng Quezon

 

 

HINDI naiiba ang lalawigan ng Quezon sa ibang lalawigan sa Pilipinas.
 
Talamak din ang political dynasty sa Quezon, kaparis sa ibang lalawigan.
 
Sa Quezon, Alcala ang apelyido ng alkalde sa Lucena City at ito ay si Roderick Alcala.
 
Alcala rin ang kongresista sa ika-2 Distrito ng lalawigan at ito ay si Vicente Alcala.
 
Si Vicente ay kapatid ni Proceso Alcala, ang naging kalihim ng Department of Agriculture (DA) sa loob ng anim na taon kung saan ang naging pangulo ng bansa ay ang kaibigan niyang si Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd.
 
Sina Proceso Alcala at Benigno Aquino ay naging magkaibigan nang magkasama ang dalawa sa Kamara del Representantes.
 
Si Alcala ay naging kongresista ng ika-2 Distrito ng Quezon mula 2004 hanggang 2010.
 
Si Aquino ay kongresista rin noong 2004 hanggang 2007, panahong nagkita at naging magkaibigan sina Aquino at Alcala.
 
Habang kongresista si Proceso Alcala, ang kapatid niyang si Cerilo Athel Alcala at anak nitong Athel na si Sajid ay nahuli ng mga pulis noong 2008 dahil sa shabu.
 
Sinampahan ng kaso sina Athel at Sajid sa piskalya, ngunit nakapagpiyansa, kaya nagkaroon sila ng pansamantalang kalayaan.
 
Ayon sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang mag-amang Athel at Sajid ay mga taong makapangyarihan at impluwensiyal sa lalawigan ng Quezon dahil sila ay Alcala.
 
Sabi rin ng PNP at PDEA, sina Athel at Sajid ay mga makapangyarihan at impluwensiyal na “drug personalities” sa Quezon.
 
Makaraang makalaya sina Athel at Sajid noong 2008, hindi na sila ginalaw, hinuli, o trinabaho ng PNP at PDEA.
 
Ano ang ipinupunto ng pangyayari na inyong nabasa sa itaas?
 
Ang isa, o dalawa, o kahit ilan pang tao ay hindi puwedeng galawin, tirahin, at ‘patayin kung manlaban’ kapag sila ay kamag-anak ng alkalde, kongresista, kalihim ng kagawaran, at kamag-anak ng kaibigan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
 
Kahit mismong kamag-anak nilang mga opisyal ng pamahalaan ay hindi dapat sila pasukuin.
 
Sa madaling salita, hayaan silang mamayagpag sa iligal na aktibidad.
 
Hayaan silang pumatay at sumira ng kinabukasan ng napakaraming tao, lalo na ang kabataan na sinabi ni Dr. Jose Rizal na pag-asa ng bayan.
 
Ang sabi nga ng isang senador  noong araw, “ano pa ang dahilan kung bakit tayo nasa kapangyarihan kung hindi natin ito sasamantalahin?”
 
Ngunit, hindi alam ng mga katulad ng pamilya Alcala na may hangganan ang lahat.
 
Ngayong si Rodrigo R. Duterte na ang Pangulo ng bansa na determinado at seryosong wakasan ang napakatalamak na iligal na droga sa iba’t ibang panig sa bansa ay tila nagbago ang pananaw ng pamilya Alcala.
 
Nakita nilang diretsahang tinutukoy at inilalantad ni Duterte sa publiko ang mga pangalan ng mga sangkot sa droga, kahit na patay na ang mga ito.
 
Makikita na walang sinisino ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga.
 
Kahit na mga matatapang at matitikas na alkalde sa mga lalawigan ay tinatamaan.
 
Dahil sa ganitong pangyayari, nanawagan si Lucena City Mayor Roderick Alcala sa kanyang tiyo Athel na sumuko na sa mga alagad ng batas.
 
Sumuko nga si Athel kasama ang anak niyang si Sajid nitong nakaraang Linggo.
 
Sa kanilang pagsuko, sinamahan sila nina Mayor Alcala at Rep. Alcala sa pulisya.
 
Kitang-kita sa litrato na tiklop na tiklop sina Athel at Sajid kahit kasama ang kapatid at pamangkin ni Athel.
 
Kitang-kita sa litrato na sina Athel at Sajid ay nagmistulang mga basing sisiw kahit pa kasama nila ang mga kamag-anak nila kongresista at alkalde.
    
Mabuti na lang, hindi kaibigan ni Dutete ang mga Alcala.
 
Mabuti na rin lang hindi kaparis ni Benigno Aquino 3rd ang pumalit sa kanya sa Malakanyang.
 
Noong panahon kasi ni Aquino, mayroon tinawagan ang isang mataas na opisyal sa Malakanyang ang tumawag at inutusan ang isang heneral na pakawalan at huwag sampahan ng kaso sa piskalya ang nahuli nilang drug dealer sa Quezon City.
 
Napakataas na antas ng ‘narco-politics’ na palaging idinidiin ni  Duterte sa kanyang mga talumpati.
 
Ang inilahad naming naganap sa lalawigan ng Quezon ay isang napakatibay na halimbawa ng napakahigpit na ugnayan ng droga, kapangyarihan, kayamanan, at Malakanyang.
 
Palagay namin, hindi lamang ang lalawigan ng Quezon ang mayroong ganyan ang umiiral na pangyayari.
 
Hindi lamang sa Quezon naganap ang sabwatan ng kasamaan, kapangyarihan, kayamanan, at kapit sa Malakanyang.
 
May dalawang mukha ang papel ng Malakanyang depende sa kung sino at ano ang tunay na layunin ng Pangulo laban sa kriminalidad at iligalidad tulad ng pagiging dealer ng shabu, protektor ng sindikato ng droga.
    
Grabe ang pangyayari, grabe ang ipinupunto ng naganap, at nakakatakot ang sabwatan na ipinamukha sa atin sa isang lalawigan na ang pangalan ay kinuha pa sa apelyido ng unang pangulo ng Gobyernong Commonwealth sa Pilipinas at unang presidente ng Senado na kailanman ay hindi nasangkot sa droga.
 
Ang naganap sa lalawigan ng Quezon ay siyang ayaw ni Duterte na literal na maganap sa buong bansa.

You May Also Like