Nangangamba ako

meloSa nakalipas na ilang araw ay laman ng mga pahayagan, radyo’t telebisyon ang mga balita tungkol kay Janet Lim – Napoles, sa kanyang abogada, mga mambabatas na may koneksyon umano sa kanya at sunod-sunod na pag-usbong ng whistleblowers na maihahambing sa langgam na nabulabog sa kanilang tahanan.

Isa pa ring malagim na balitang laman ng media ay ang nagaganap sa Zamboanga City na ikinasawi na ng higit sa 100 katao, pagkakasugat ng mga mamamayan, mga kawal at pulis at maging mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF). Nabalita ang halos walang humpay na sunog na nagaganap sa limang barangay ng maganda at matulaing lungsod.
Hindi gasinong napansin ng madla ang bagyong humagupit sa hilagang Luzon na may dalang higit sa 200 kilometro bawat oras ang pagbugso ng hangin na tumama sa Batanes at iba pang bahagi ng bansa.

Sinabi na ni Pangulong Aquino na maglalaan siya ng P 3.9 bilyon upang ibangon ang napinsalang lungsod. May inilaan upang may kainin ang mga internally displaced persons, may salapi para sa pagkakakitaan ng mga nasalanta, pagpapagawa ng mga gusaling napinsala at panustos sa mga batang nag-aaral sa elementarya at high school.

Bagama’t mayroong maibabalik na mga gusali, walang anumang halaga ang sasapat upang maibalik ang mga buhay na nawala dahilan sa walang pakundangang labanan sa pagitan ng mga tauhan ni Nur Misuari at ng mga kawal ng pamahalaan.
Mayroon daw isang Xavier Daniels na nagpakilalang taga-United Nations na umikot sa Sulu at nangungumbinse sa mga kabataang lumahok sa “martsa” sa Zamboanga. Itinanggi ng United Nations na tauhan nila si G. Daniels. May balita ring narinig sa isang malayang talakayan sa Unibersidad ng Pilipinas na sa pag-iikot ni G. Daniels sa Sulu ay may mga kasama itong kawal na Amerikano. Sino si G. Daniels? Bakit hindi siya pinaghahanap ng mga alagad ng batas? Sino ang amo ni G. Daniels?
Hanggang ngayo’y hindi ko maunawaan kung bakit hindi napuna ng mga kaibigang kawal na Amerikano ang mobilisasyon ng MNLF kaya’t naging matagumpay ang kanilang pagpasok sa lungsod ng Zamboanga.

Sa pinsala, lagim at trahedyang tinamo ng mga taga-Zamboanga at mga kawal ng pamahalaan, ng mga mamamayan, mga kababaihan at mga kabataan, wala kayang direktor na biglang sisigaw ng “Cut! Pack-up boys!” Nangangamba ako kung walang sinumang pipigil sa kaguluhan. Hindi po ba kayo nangangamba?

You May Also Like