Nakaka-imbyernang kapitbahay

Dear Ate Ami,

Ubos na po ang pasensya ko sa kapitbahay namin kaya’t sana matulungan mo ako. Ilang ulit ko nang sinabi sa kanila na doon sa kabilang dulo ng kalye dalhin ang mga aso nila kapag nilalakad dahil ginagamit na parang CR ang sidewalk at damo sa harap ng bahay namin. Mabuti naman kung sila ang naglilinis ng kalat ng mga aso pero hindi e! Ako rin e! Parang di makaintindi dahil ilang beses ko nang pinaalala sa kanila na huwag sa tapat namin patigilin ang mga aso pero wa epek pa rin. Pwede po bang isumbong sa barangay ang ganitong pangyayari? Ayoko naman pong makipag-away, gusto ko lang ay hindi yung uma-umaga na lang ay pati dumi ng mga aso na hindi naman namin pag-aari ay wawalisin ko pa. Siyanga pala, ako si “MC” nakatira po sa Cavite kasama ang aking asawa at tatlong anak. May maliit po kaming sari-sari store dito malapit lang. More power mam!

Dear MC:

Siyempre, puwede mong isumbong sa barangay. Kasi hindi komo sa harap lang ng bahay mo, eh ikaw lang ang napeperhuwisyo. Sumulat ka sa barangay, parang report tulad ng isiniwalat mo sa akin. Samahan mo ng litrato ng ebs ng aso, close up at far shot para kitang nasa harap ng property ninyo. If you can, take photos on several days, and date each batch accordingly, at ito ang isama mong mga “evidence” sa report mo sa barangay. Biro mong katutak na langaw ang maa-attract niyang mga doggie tumpok na yan! Puwede ring hindi ka muna magwalis para ipakita mo nang actual yung mga ebs sa barangay captain.

Kung maayos magtrabaho ang barangay ninyo, pagsasabihan nila yung mga may-aso. O kaya’y ipapadampot nang regular sa basurero. Kung hindi naman sila mahusay, at hahayaan na lang kayong magsabunutan ng neighbor mo, eh di “take the law into your own hands” literally and figuratively. Damputin mo yung mga ebs, ilagay sa kahon na gift-wrapped, at ipa-deliver sa may-aso. Puwede ring ibalot mo sa plastic at isabit sa gate nila, ihulog sa kanilang mailbox, o ipukol sa bintana nila o sa kotse kaya, he he he. Siguradong giyera patani yan, but they’ll get the message.

Huwag mong siryosohin ang advice ko ha? Nagde-destress lang si Ate Ami kaya umaandar ang kabalbalan sa utak niya, he he. Although nangyari sa amin yan. Sa garden namin, aba, ang daming cotton buds na may tutuli, sa tapat ng bintana ng neighbor namin! Doon pa naman sa tinatamnan ko ng kamote! Ang ginawa ko, inipon kong lahat, kadiri, inilagay ko sa isang letter envelop, at nilakipan ko ng note para sa may-ari, telling them where I found them. O di sumagot, nag-apologize! Sinabihan daw nila ang mga katulong nila na huwag magtatapon sa bakuran namin.

Back to your doggie blues. Seriously, iyang aso kasi, territorial na hayop yan. Once inihian na niya o dinumihan ang isang spot, kanya na yon, ulit ulit niyang babalikan yon. Eh tila hindi alam ng kapitbahay mo yon, o baka mas matalino pa yung alaga niya kesa kanya kaya siya ang hinihila nung aso papunta sa inyo. Subukan mong maghanap ng repellant sa pet shop. Ini-ispray yon sa lugar na ayaw mong lapitan ng aso o pusa, para maghanap sila ng bagong teritoryong toilet.

If nothing else works, bumili ka ng aso, at doon mo pa-ebakin sa harap ng bahay nila, sa driveway, sa tatamaan ng gulong para mapahid hanggang loob, ha ha ha! Yung kunin mong aso, Great Dane, grabe laki ng ebs noon, parang sa kalabaw! Pag wala pa ring nangyari, be kind to their dog. Pakainin mo ng pandesal—na me betsin! Here, doggie-doggie!

– Ate Ami

ate ami

May problema ka ba? Ikwento kay Ate Ami at ipadala sa dearateami@gmail.com.
Huwag kalimutang ilagay ang iyong edad at trabaho para sa mas angkop na payo.

You May Also Like