Nakaaalarma ang Pondo ng CHED

TAUN-TAON pa lang mayroong hindi nagagamit sa pondo ng Commission on Higher Education (CHED) para mga iskolar ng bayan.

Iyan ang nabunyag sa Committee on Appropriations (CA) ng Kamara del Representantes nang isalang ang hinihinging P13.367 Bilyong badyet ng CHED para sa 2017 nitong Huwebes.

Kabilang sa P13.367 Bilyon ay ang P5.5 Bilyong pondo para sa mga iskolar ng CHED sa 2017.

Lumabas sa rekord ng Kamara, P1 Bilyon ang hindi nagagamit sa pondo para sa mga iskolar ng pamahalan bawat taon.

Natukoy ang pagkukulang na ito dahil sa nakalipas na mga taon ay palaging umaamin ang mga opisyal ng CHED sa pangunguna ni Dr. Patricia Licuanan sa harapan ng mga opisyal at kasapi ng CA na mayroong hindi nagagamit na pondong nakalaan sa iskolar ng CHED.

Ang nakagugulat, umabot sa P2.8 Bilyon ang hindi pa nagagalaw sa pondo para sa mga iskolar ngayong 2016 gayong Setyembre na.

Ang P2.8 Bilyon ay 65% ng kabuuang pondo ng scholarship program ng CHED.

Napakalaki!

Napakaraming iskolar pa ang dapat na makinabang ng halagang ito.

Marami pang mahihirap, ngunit matatalinong bata ang naghihintay na makasali sila sa scholarship  program ng pamahalaan upang makamit ang kanilang mga pangarap na hindi kayang ibigay ng kanilang mga magulang dahil sila ay maralita.

Nagsimula na ang enrollment at pasukan noon pang Hunyo, pero mayroon pang P2.8 Bilyon.

Ang ‘paliwanag’ ni Licuanan sa mga kongresista,  ang P2.8 Bilyon ay gagamitin hanggang 2017.

Gagamitin hanggang 2017 ang P2.8 Bilyon, pero nanghihingi pa ng P5.5 Bilyon ang pangkat ni Licuanan ng pondo para sa mga iskolar ng bayan na gagamitin din sa 2017.

Ano ito, lokohan?!

Ang bilyun-bilyong pondo ay para sa mga batang nag-aaral sa kolehiyo na walang pambayad para makapag-aral, ngunit matataas ang marka.

Maganda ang proyekto ng pamahalaan sa pamamagitan ng CHED para sa mahihirap na matatalino, sapagkat makapag-aaral sila—matatapos nila ang kursong pinili nila.

Syempre, inaasahang magiging tapat, maayos, at epektibo ang pagpapatupad ng pamunuan ng CHED sa nasabing scholarship program ng pamahalaan.

Kaya nga, ang itinatalagang pinuno ng CHED ay mga beteranong edukador upang matiyak na hindi magkakaroon ng problema ang ahensiya sa pagpapatupad ng mga proyekto, kabilang na ang tungkol sa iskolar ng bayan, katulad ni Dr. Patricia Cunanan.

Si Dr. Cunanan ay itinalaga ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2010.

Pinalawig pa ni Aquino ang termino ni Cunanan hanggang 2018.

Si Cunanan ang pangulo ng Miriam College bago siya mapuntang CHED.

Ang nabunyag sa pagdinig ng hinihinging badyet ng CHED para sa 2017 ay hindi biro.

Hindi rin dapat ito ipagsawalang bahala ng mga kongresista, sapagkat hindi lamang ngayong taon naganap, kundi taun-taon.

Hindi dapat makontento ang mga mambabatas sa sinasabi ni Rep. Julieta R. Cortuna ng A – Teacher party-list group na kulang ng mga tauhan ang CHED na mamamahala at mag-aasikaso ng scholarship program, kaya mayroong natitirang P1 Bilyon taun-taon hanggang biglang umakyat sa P2.8 Bilyon ngayong taon.

Dapat busisiing mabuti.

Hindi dahil sa pinagdududahan namin si Dr. Cunanan at iba pang opisyal ng CHED, ngunit nakakaalarma ang pangyayari, sapagkat bilyong pera ng pamahalaan ang pinag-uusapan.

Hindi dapat palampasin ng CA ang nadiskubre nito sa CHED at payagan at aprubahan na ang P13.367 Bilyong hinihingi ng pangkat ni Dr. Cunanan para sa 2017.

Dapat huwag kalimutan ng mga mambabatas na isa sa mga gawain at tungkulin nila ay tukuyin ang pagkukulang, o pagkakamali ng lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan, lalo na sa usapin ng pondo ng pamahalaan, sapagkat ang pondo ng pamahalaan ay pag-aari ng publiko.

Sana, ang editoryal na ito ay makatulong sa pagresolba sa nabunyag at natumbok na matagal nang suliranin sa CHED.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like