Nagsasama pa pero love-less na?

Dear Ate Ami,

Sumusulat po ako tungkol sa sitwasyon ng isang kakilala kong si “Cesar”. Kasama pa rin niya ang kanyang maybahay, pero wala na ang dating pag-iibigan nila. Apat ang anak ni Cesar at ng kanyang asawa (nasa mga edad 40 na sila), ang panganay ay graduate na ng college habang ang tatlo ay nag-aaral pa. Sabi niya wala na siyang gana at ganun din ang pakiramdam ng asawa niya — nagkasawaan na. Nagkataon namang nagkatagpo ulit ng ‘di inaasahan si Cesar at ang kanyang dating nobya, si Fe, na single pa, at naging “sila na” pero hindi “officially.” Paano po ba ‘yun? Hindi na nagmamahalan ang mag-asawa. Kesa naman maging miserable sila, hind ba’t mas mabuting maghiwalay na lang? Better to be with the ones they love than stay in a love-less marriage, ika nga. Is it even moral to stay in such a marriage? Paniwala ko, it’s not moral. Pero para po malinaw, ang aking sariling marriage ay okey naman at wala akong balak na hiwalayan ang aking asawa dahil mahal na mahal ko siya at napakarami na naming pinagdaanan na amin namang kinaya. More power to you!
– Ronnie

Dear Ronnie,

Naku, peligroso ‘yang mga tanong mo. “Maghiwalay na lang kesa maging miserable”? “Is it even moral to stay in such a marriage?” Malabo ka. Sabi mo wala kang balak hiwalayan ang asawa mo, eh bakit iyon ang ipapayo mo sa iba? Ano ba para sa iyo ang “moral” sa pag-aasawahan? ‘Yung masaya, walang problema, kilitian habang buhay? Aba, eh buti na lang sumulat ka. Ikaw ang may problema eh.

Sabi mo, napakarami na kayong pinagdaanan na inyong kinaya ng misis mo kaya mahal na mahal mo siya at wala sa isip mong hiwalayan siya. Iyon ang dapat mong ipayo kay Cesar na nangangaliwa — nang makita niya ang kahalagahan ng pinagsaluhang hirap sa mag-asawa. Ang ginagawa niya ang immoral — ang pagtakas sa responsibilidad niyang magkasundo silang mag-asawa. Ang solusyon niya ay pakikiapid — sumisiping sa hindi niya asawa. Pagdating ng panahon, ‘yung dalagang si Fe na pumatol sa lalaking may asawa na ay lilipat din sa ibang lalaki, pagkat wala sa konsiyensya niya ang pagiging tapat at matuwid. Parehong selfish si Cesar at si Fe, sarili lang ang inisip at hindi ang pamilya nila.

Mahaba at malawak ang ibinubunga ng pakikiapid. The hardest to deal with in this case is the relationship between Cesar and the children. Baka makaya pa nga nung asawa niya, eh pano ang iisipin ng mga anak nila? Hindi sila mahal ng tatay nila, at paglaki nila, puwede rin nilang gawin iyon, mangaliwa, pagkat iyon ang tama, ayon sa magulang nila. Maraming masasaktan dahil lang diyan sa pilosopiya mong “Buti pang maghiwalay kesa magsama nang miserable.” Mga magulang ng mag-asawa: walang magulang na natutuwa sa pagkasira ng pamilya dahil lamang sa “nagkasawaan” na. Kahit mga magulang ni Fe —ikahihiya nila tiyak na madiskubreng nagpakatagal-tagal sa pagkadalaga si Fe ‘yun pala’y sa isang immature na may asawa lang babagsak

Dapat i-set aside ng mag-asawa ang mga selfish urges, at magkahawak-kamay nilang talakayin nang buong talino ang kanilang pagiging “miserable”. “Nagkasawaan na pareho”? “Wala na ang dating pag-iibigan”? Bakit, sinumpaan ba nilang maging mainit sa sex hanggang 95 anyos na sila? Napakabata pa nila para matuyot si misis at manglambot si mister, kaya hindi iyon ang problema nila, kung ‘di hindi nila “kasali” ang Diyos sa marriage nila. Pakinggan nila ang Diyos at nang maunawaan nila ang pinagdadaanan nila. Yakapin nila ang pagbabagong dinaranas nila ngayon pagkat ibig lamang sabihin niyon ay may mas magandang nais ihandog sa kanila ang Panginoon.

– Ate Ami

ate ami

May problema ka ba? Ikwento kay Ate Ami at ipadala sa dearateami@gmail.com.
Huwag kalimutang ilagay ang iyong edad at trabaho para sa mas angkop na payo.

You May Also Like