Nagpabagsak noon pabor nang ipalibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani

Nina: Joel O. Amongo at Boy Celario
 
INAMIN ni dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Dionisio Santiago na isa siya sa mga sundalong sumama noon sa Edsa Revolution noong 1986 upang mapatalsik mula sa estado poder si Pangulong Ferdinand E. Marcos.
 
Ngunit, ngayon si Dionisio ay isa sa mga sumusuporta nang todo sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
 
Sabi ni Santiago, dapat marunong magpatawad ang mga Pilipino sa mga naging pagkukulang at pagkakamali ni Marcos.
 
Pangunahin na naging reklamo kay Marcos ay ang malawakang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan.
 
Binatikos din noon si Marcos hinggil sa malalang korapsiyon.
 
Si Marcos ay napatalsik ng mamamayan, sa pamamagitan ng mapayapang pag-aalsa na ikinasa ng ‘dilawang’ puwersa sa Edsa noong Pebrero 25,1986.
 
Wala rito ang mga makakaliwang grupo dahil kumbinsido silang ang naganap na pag-aalsa ay papabor lamang sa iilang mayaman na disgustado kay Marcos at mga tradisyunal na pulitikong hindi nakaporma noong panahon ng batas-militar sa bansa.
 
Patay na nang ibalik si Marcos sa Pilipinas noong 1989.
 
Simula noon, inilagak ang mga labi ng dating Pangulo sa musuleyo ng mga Marcos sa Batac, Ilocos Norte.
 
Ilang ulit nang nakiusap  ang pamilya Marcos sa gobyerno na ihimlay na ang mga labi ni Marcos tulad noong panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos at Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
 
Ngunit,  hindi napagbigyan kahit si Ramos ay pinsan ni Marcos at si Estrada ay kaibigan at ‘bataan’ noon ng namayapang Pangulo.
 
Si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang gustong matapos na ang isyu hinggil sa pagpapalibing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
 
Bukod kay Santiago, si Buhay party-list Rep. Joselito “Lito” Atienza ay suportado rin ang pagpapalibing kay Marcos sa LNMB.
 
Naniniwala si Atienza na “ginagamit lamang nila (kontra-paglilibing kay Marcos saa Libingan ng mga Bayani) itong isyu tuwing gusto nilang mag-ingay at bumatikos, panahon na para magpatawad.”
 
Naalala pa ni Atienza na “dati habang pinupulot ko ang mga pira-pirasong gamit sa pagpapasabog sa Plaza Miranda ay inakala kong si Marcos ang may kagagawan sa pagsabog. ‘Yon pala hindi.”
 
Hiniling din ng mambabatas na irespeto ang kagustuhan ni Duterte na ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni Marcos.
 
Itinanong naman ni Santiago na kung ang “commander-in-chief ng mga sundalo ay hindi maaaring mailibing sa Libingan ng mga Bayani?”
 
Hindi puwedeng mailibing kung “convicted siya sa kaso, wala namang kasong isinampa kay Marcos,” kaya pwedeng ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos.
 
Idiniin pa ni Atienza na ang Buhay party-list ay handang magpatawad sa mga nagawang pagkakamali ni Marcos sa bansa at mga Pilipino.

You May Also Like