EXCLUSIVE: nagawa ni Duterte ang ‘di nagawa ni Aquino

 

 

Ni: Bernard Badilla-Toledo
 
NAPAKALINAW na hindi sinisisi, o pinagbibintangan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte si dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd sa napaka-talamak na operasyon ng ipinagbabawal na gamot sa bansa sa kasalukuyan.
 
Sa halip, ginawa ni Duterte ang hindi nagawa ni Aquino: Ang ibunyag ang mga pangalan ng mga taong matagal nang ginagamit ang kanilang posisyon upang magpayaman mula sa iligal na droga.
 
Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Ismael “Mike” Sueno na kakasuhan, isususpinde, at ipakukulong ang 158 judge, mayor, vice-mayor, military general, at mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) na ibinunyag ni Duterte nitong madaling araw ng Linggo [basahin ang kaugnay na balita ng Tapat News online].
  
Ani Sueno, lahat padadaanin sa tamang ligal na proseso.
 
Ang pahayag ng kalihim ay nakabatay sa prinsipyong ‘ang lahat, kabilang na ang suspek sa krimen, ay mayroong ligal na karapatan at kapangyarihan alinsunod sa ipinag-uutos ng batas.’
 
Sabi naman ni Communications Sec. Martin Andanar, marami pang isisiwalat si Duterte sa mga susunod na araw, kasama na ang substansiyal na bilang ng mga alkalde sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
 
Hindi pa kumpleto ang listahan ng Pangulo, banggit ni Andanar, sapagkat hinihintay pa ang kumpirmasyon ng mga nag-iimbestiga at nagba-validate sa pagkakasangkot nila sa shabu.
 
Sabi Sueno, matibay ang mga ebidensiya laban sa 158 opisyal na ibinisto ni Duterte na sangkot sa operasyon ng shabu sa bansa.
 
Sinabi ni Dionisio Santiago, dating director general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa mga nakalipas na linggo na ilan sa mga  pangalang nabanggit ni Duterte, kabilang na ang mga alkalde, ay ipinarating na sa atensiyon ni Aquino at dating Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., noon, ngunit ‘ibinasura’ lamang ng dalawa ang isyu.   
 
Hindi binigyan ng prayoridad nina Aquino at Ochoa ang ‘intel  report’ ng PDEA, punto ni Santiago.
 
Noong palitan ni Arturo Cacdac Jr. si Santiago sa PDEA, hindi kumilos si Cacdac laban sa mga judge, mayor, vice-mayor, military, at opisyal ng PNP kahit isang beses.
 
Ang paliwanag ni Glenn Mapalad, dating hepe ng public information office (PIO) ng PDEA, hindi sila kinasuhan at hindi rin hinuli, sapagkat walang sapat na ebidensiya laban sa kanila.

You May Also Like