Naburang Ilusyon ng Pagkakapantay-pantay

The Jumping WallLagi nating sinasabi na mahirap maging isang ina. Lalo ko itong naunawaan nang ako’y naging isang ama. Nakita ko ang hirap ng pagdadalantao ng aking asawa mula sa paglilihi hanggang sa panganganak. Nakita ko nang aktwal ang sinasabing pagsasakripisyo ng isang ina para makapagluwal ng isa pang buhay sa mundo.

Nakatatakot. Matapos makita ang paghihirap ng isang babae sa pagbubuntis, napakabigat isipin para sa isang lalaki, “Kakayanin ko ba na dalhin ang isang bagong nilalang ng siyam na buwan?” Nariyan ang mahilo sa loob ng unang tatlong buwan at madalas na pagduduwal. Ang pagkaramdam ng mga hindi komportableng bagay sa katawan. Ang mabigat na dalahin sa tiyan na nagdudulot ng hirap sa paglalakad, pag-upo at maging sa paghiga. Hindi nakakaengganyo.

Subalit sa araw ng panganganak, ang lahat ng takot na aking naramdaman sa hirap ng pagdadalang-tao ay napalitan ng inggit. Inggit na may respeto. Pagkatapos kong masilayan ang isang malusog na sanggol — produkto ng siyam na buwan na hirap — sapat na ito para masabi kong ang lahat ng sakripisyo ay may karampatang biyaya. At ang biyayang ito ang aking kinainggitan. Alam kong kahit anong paghihirap ang maranasan ko bilang ama, hindi ko matutumbasan ng ano pa man ang hirap na dinanas ng isang ina para mabigyan ng buhay ang isang sanggol. Ang sanggol na ito ay ang bawat isa sa atin na dinala, inalagaan at pinrotektahan ng isang ina sa kanyang sinapupunan para tayo ay magkaroon ng buhay.

Bilang lalaki,ang respeto ko sa babae ay higit na lumaki sa aking direktang nasaksihang pagdadalang-tao ng aking maybahay. Patunay lang ito na ang pagkakapantay-pantay nating mga tao ay mananatili lamang na ilusyon. Dahil kailanman, hindi natin mababago ang katotohanang na sa bagay na ito ay higit na nakalalamang ang kababaihan. At marapat lamang na pangalagaan natin ito.

(rogie_ylagan@yahoo.com / theignoredgenius.blogspot.com)

You May Also Like