‘Multong kawani’ sa QC, ‘di na talamak ngayon, ayon sa opisyal

By: Bernard Badilla-Toledo

TOTOONG talamak ang ‘multong kawani’ o ‘ghost employee’ sa Sangguniang Panglunsod ng Quezon City noong panahong sina Rep. Feliciano “Sonny” Belmonte pa ang alkalde ng lunsod at Mayor Herbert Bautista naman ang bise-alkalde.

Ngunit, tiniyak ni Atty. John Thomas Alferos 3rd, kalihim ng Sangguniang Panglunsod, na ang sistemang multong kawani na anim na taon nang nakalipas ang pamamayani nito sa lehislatura at natigil na nang maging alkalde si Bautista.

Ani Alferos, naghigpit na ang konseho sa pagkuha ng mga kawani ng mga konsehal, kaya siguradong wala nang makapapasok na mga pekeng kawani sa lokal na lehislatura.

Aniya, ang pagtigil ng multong kawani ay resulta ng imbestigasyong isinagawa ng Office of the Ombudsman sa 12 konsehal noong 2010 dahil sa reklamong pagmimintina ng mga multong kawani.

 

 

Ang ibig sabihin ng sistemang multong kawani ay pagkakaSandiganroon ng mga pangalan ng mga empleyado na pinasasahod, mayroong allowance, binibigyan ng bonus, at iba pa.

Ngunit, ang mga multong kawani ay hindi talaga umiiral o hindi totoo, kundi pawang mga pangalan lamang.

Ang perang nakalaan sa kanila ay napupunta lamang sa corrupt na mga halal na konsehal.

Isa sa mga deskarte ng ilang konsehal upang yumaman sa pamamagitan ng pagnanakaw ng pera ng taumbayan ay ang pagpapanatili ng multong kawani.

Ang mga inimbestigahan ng Ombudsman noon ay sina Roderick Paulate, Reynaldo Calalay, Vincent Crisologo, Ariel Inton Jr., Jesus “Bong” Suntay, Edcel Grex Lagman Jr., Marvin Rillo, Grace Matias, Dorethy Delarmente, Jaime Borres, Candy Medina, at Eufemio “Pinggoy” Lagumbay, lahat sila ay mga konsehal noong iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman.

Ang natitira na lang ngayon na kasapi ng Konseho sa ika-20 Sagguniang Panglungsod ay sina Paulate, Rillo, at Lagumbay.

Ang iba ay ibang posisyon na ang hinahawakan tulad ni Crisologo na kongresista ng Distrito 1 ng Quezon City.

Nitong Enero 21 ng taong kasalukuyan, inilabas ng Ombudsman ang desisyon nito kung saan sina Paulate at Calalay ay napatunayang “guilty” sa pagpapanatili ng multong kawani.

Nakaligtas ang ibang sampu, sapagkat ayon sa source ng Tapat News online, nakapag-produce ang sampung konsehal ng totoong tao ng mga inireklamong pekeng mga kawani.

Dapat hindi na konsehal si Paulate, sapagkat ang desisyon ng Ombudsman ay habangbuhay na siyang bawal na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.

Ngunit, ipinagpatuloy ni Paulate ang pagiging konsehal kahit hindi pinaburan ng Court of Appeals (CA) ang hiningi niyang Temporary Restraining Order (TRO) hanggang ngayon araw.

Si Calalay naman ay tumakbo uling kongresista nitong nakalipas na halalan, ngunit nilampaso siya ni Crisologo sa Distrito 1 ng lungsod.

Tahasang kinontra ni Pastor Rick Bello ang pahayag ni Alferos.

Ayon kay Bello, na publisher ng isang pahayagan sa Quezon City, tiyak mayroon pa ring mga pekeng kawani ang ibang konsehal.

Tiyak didiskarte ang mga corrupt na konsehal, anang Bello.

Sabi ni Alferos, P6 milyon ang kabuuang pondo ng bawat isang konsehal para ipampasuweldo sa empleyado nila.

Kasama rin ang allowance, bonus, at iba pang benepisyo, patuloy ni Alferos.

Nanindigan naman ang mga dyaristang nakadestino sa Quezon City Hall sa pamumuno ni Rio Araza ng Standard na babantayan ng grupo ang mga konsehal upang matukoy kung sinu-sino pa ang mga konsehal na ubod nang kapal ng mukha sa pagpapanatili ng multong kawani.

You May Also Like