Mga pulitiko, takot banggain si Pnoy – Gonzales

MANILA – DAHIL sa takot, walang pulitikong nangangahas na banggain ang administrasyong Aquino, na ‘eksperto’ diumano sa pagsira ng reputasyon ng mga personalidad na kokontra dito, mariing ipinahayag ni dating National Security Adviser Norberto Gonzales sa isang press conference kamakailan.

norberto gonzales

“Hindi ako naniniwala na tahimik ang mga pulitiko dahil sa pera. Ang nagpapatahimik sa kanila nitong tatlong taon ay ang takot na maipahiya sa publiko. Naniniwala ako na ang kasalukuyang administrasyon ay numero uno at eksperto sa pagpapahiya ng tao, sa pagbaliktad ng mga bagay,”paliwanag ni Gonzales sa wikang Ingles sa isang pagpupulong kasama ang media sa Aristocrat Restaurant.

Ayon kay Gonzales, dahil dito nagdadawalang isip ang kahit sinong pulitiko na isiwalat ang nalalaman ng mga ito tungkol sa pagmamaniubra ng pamahalaang Aquino at kalabanin ang “malaking makinarya” ng administrasyong Aquino.

Ibinigay na halimbawa ni Gonzales ang isyu ng ‘Pajero Bishops’ na pumutok noon sa kainitan ng debate sa kontrobersyal na Reproductive Health (RH) Bill.

Ani Gonzales, “Napatahimik bigla ang mga Obispo pero yung Pajero scandal hindi totoo. Naipakita dito na kaya ng estado na gumawa ng kalansay, itulak ito at sirain ang mga reputasyon ng mga tao.”

Ang taktika ng administrasyon, paliwanag pa ni Gonzales, ay ang paglikha ng mga ‘karakter’ upang palabasing ‘masama’ ang isang indibidwal o isang grupo.

Sinabi naman ni Gonzales na ‘may hangganan’ ang ganitong pamamaraan ng administrasyong Aquino at dagdag pa nito na ‘betrayal among thieves’ o ang pagtataksil ng mga kapwa magnanakaw sa isa’t isa ay ang pinakamasakit na maaaring mangyari.

Samantala, nabunyag mula sa press release mismo ng Budget and Management Department na mayroong ibinahaging P1.82 bilyones sa Office of the President, kung saan parte nito ay napunta sa pagiimplementa ng Comprehensive Peace and Development Intervention package para sa Cordillera People’s Liberation Army, suporta sa programang pagbabalik-loob ng mga dating rebelde ng New People’s Army (NPA) at para sa Moro National Liberation Front (MNLF) na kasalukuyang may mga paksyon na nakasasagupa ng mga militar sa Zamboanga.

Ipinaliwanag din ni Gonzales na ang paggamit ng pwersa militar upang maresolba ang krisis na tulad nang nangyari sa Zamboanga ay karaniwang pinakahuling pagdulog at hindi dapat ibinibigay sa iresponsableng namumuno ang karapatang gamitin ang pwersa militar.
Diin pa ni Gonzales, “Sa tingin ko walang pagkakamali sa intelligence ng militar sa Zamboanga. Alam ng militar ang mga galaw ng tao ni Nur Misuari. May mga paraan upang maresolba [ang krisis] dahil kilala nila si Nur Misuari, ngunit ang pamunuan mismo ang hindi sumunod sa paraan na ito nang ipagutos ang malawakang pagatake na hindi ayon sa tulad ni Misuari o ng MNLF.”

Ang konklusyon ni Gonzales ay inabuso ang militar sa Zamboanga, dahil na rin sa respeto nito sa pamunuan at kahandaang sumunod sa utos ng nakatataas.

You May Also Like