Mga Pinoy, handang i-evacuate mula sa South Korea

 Ang litratong pinakakalat ng pahayagan ng Korea Worker’s Party (KWP) na Rodong na pinapakita ang paghahanda ng North Korea sa pag-atake sa U.S. mainland.
Ang litratong pinakakalat ng pahayagan ng Korea Worker’s Party (KWP) na Rodong na pinapakita ang paghahanda ng North Korea sa pag-atake sa U.S. mainland.

Dahil sa pambihirang pagdeklara nitong Sabado ng state of war ng North Korea sa kalapit nitong South Korea (SoKor), handa diumano ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ilikas ang may 40,000 OFWs sa SoKor.

Ayon kay tagapagsalita ng DFA na si Raul Hernandez, kasalukuyang nasa alert level 1 ang embahada ng Pilipinas sa South Korea at handa itong ilipad pabalik ng bansa ang ilang libong Pinoy sakaling sumiklab ang malawakang giyera sa pagitan ng North at South Korea.

Nagpakita naman ng pwersa ang Amerika nang ipadala nito ang isang U.S. Navy missile defense ship malapit sa hangganan ng North Korea upang manmanan ang galaw sa mga istasyon ng missiles ng North Korea.

Inanunsyo sa Korean Central News Agency (KCNA) ng North Korea ang hakbang ng naturang bansa matapos ang pagpapalipad ng Amerika ng mga eroplanong pandigma na mga B-52 na, ayon sa una, ay isang paguudyok sa giyera at hindi na maituturing na pagpapakita lamang ng lakas.

Idineklara rin ng gobyerno ng North Korea na napagdesisyunan na nito, kasama ng ruling party at iba’t iba pang mga organisasyon na dadaanin nila sa aksyong militar ang ano mang panghihimasok ng Amerika gayun din ang anumang bantang maaaring ipakita ng South Korea.

Hindi din malayo diumano na isunod ng North Korea ang all-out war laban sa South Korea kung magpapatuloy ang mga banta ng pagkilos laban sa kanilang bansa.

Dagdag pa sa naturang news agency, sa mga oras na ito inihanda na ng NoKor ang kanilang mga strategic rockets at long-range artillery units na nakaumang sa mga base militar ng Amerika sa Guam, Hawaii at maging sa sentro ng US.

Sinabi naman ni Caitlin Hayden, spokeswoman ng National Security Council ng White House, na seryoso nilang ikinukunsidera ang mga banta ng North Korea at patuloy silang nakikipag-ugnayan sa kaalyadong South Korea.

Makikita naman sa litratong nilathala ng pahayagan ng Korea Worker’s Party (KWP) na Rodong ang planong pag-atake sa U.S. mainland. Sadya diumano itong ipinakalat sa buong North Korea upang himukin ang taong bayan na maghanda sa nakaambang giyera.

Matatandaang nagsimula ang iringan nang isulong ng South Korea ang pagpaparusa sa matagal nang kaalitang North Korea matapos ang mga inilunsad nitong ‘nuclear test’ na siya rin namang pinangangambahan ng Amerika.

You May Also Like