Mga Pilipino

meloMULA sa mga tanggapan ng pamahalaan matatagpuan ang iba’t ibang mukha ng mga Pilipinong nangibang-bansa. Ayon sa pagtataya ng Philippine Overseas Employment Administration, sa ulat ng Commission on Filipinos Overseas ay mayroong 10% ng buong populasyon ang nasa ibang bansa.

Sa aking panayam kay Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa Guinigundo, mayroong limang milyong Pilipino na nagpadala remittances na nagkakahalagang US$ 22 bilyon noong nakalipas na taon.

Isang isyung hindi kaagad masagot ay kung bakit hindi nauubos ang mga Pilipinong sa magulong bansa ng Syria. Higit na sa 5,000 ang Pilipinong naiuwi ng pamahalaan at ng iba pang pandaigdigang samahan tulad ng International Organization for Migration (IOM). Sa pangyayaring ito, marami pa ring mga Pilipino sa magugulong bansa.

Hindi lubos mawari kung ang karamihan sa kanila ay pawang mga biktima ng human trafficking. Niliwanag ng mga dalubhasang panauhin sa Tapatan sa Aristocrat noong nakalipas na Lunes na karamihan sa mga dumadaan sa kamay ng mga human traffickers ay ang mga naglalakbay sa dalawang backdoor ng Pilipinas, ang pagdaan mula sa Tawi-Tawi at Palawan patungong Kota Kinabalu upang maglakbay patungo sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Isang dahilan ng paglabas ng mga Pilipino patungo sa ibang bansa ang kawalan ng hanapbuhay sa Pilipinas sa likod ng 7.2% growth sa Gross Domestic Product. Kahit si Toots Ople ay naniniwalang ang mga tsuper sa Pilipinas, sa oras na mangibang-bansa ay sasahod ng tatlong ulit sa kinikita sa Pilipinas.

Malaki ang pagkakaiba ng illegal recruitment sa human trafficking, ayon sa POEA. Karamihan sa mga Pilipinong nasa ibang bansa ay legal ng umalis sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa. Nagkakaroon ng illegal recruitment kung walang lisensyadong ahensya ang mangangalap ng mga manggagawa. Human trafficking ang nagaganap kung bukod sa illegal na paraan ng pangangalap ng manggagawa ay mahaharap pa sa mga pagmamalupit at tuwirang exploitation ang mga ito.

Ang ugali ng Pilipinong nagpapahalaga sa pagbabaka-sakali ang dahilan kaya’t maraming sumusugal magkaroon lamang ng hanapbuhay sa pinakamadaling paraan.

Mataas na nga ang unemployment rate na nakarating sa 7.5%. Tiyak na madaragdagan pa ito sa pagpasok ng may 750,000 mga magtatapos sa mga kolehiyo.

Sa tagumpay na natamo ng mga nangibang-bansa noon, tiyak na magiging batobalani ang overseas employment sa mga masigasig maghanap ng trabaho at laang magbanat ng buto.

Tabi Po!

You May Also Like