Mga Obispo nakiisa sa panawagang isiwalat ang Napoles list

obispo

MANILA — Matapos ibahagi ni Janet Lim-Napoles, ang sinasabing mastermind ng 10B Pork Barrel scam ang kanyang affidavit na naglalaman diumano ng listahan ng iba pang sangkot sa naturang anomaly kay Department of Justice (DOJ) secretary Leila De Lima noong Abril, umigting naman ang panawagan mula sa publiko na isiwalat ang naturang listahan, kabilang na ang ilang mga oispo ng Simbahang Katolika.

Kabilang sa nananawagan sina Manila auxiliary Bishop Broderick Pabillo; San Carlos Bishop Gerardo Alminaza; Batanes Bishop Camilo Gregorio; Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani; at Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz. Para sa mga obispo panahon na at nararapat nang ilabas ang naturang listahan upang pabulaanan ang hinala ng taongbayan na “nililinis” diumano ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang listahan upang sagipin ang mga kaalyadong sangkot sa maling paggamit ng kanilang pork barrel.

Ani Bishop Pabillo, “Dapat iyong [listahan] isapubliko at gawing accountable ang mga sangkot sa lalong madaling panahon. Habang pinatatagal ni De Lima ito, tayo naman ay tuluyang magdududa.”
“Dapat patunayan ng administrasyong Aquino na seryoso siyang tanggalin ang corruption at hindi upang idiin ang mga kalaban sa pulitika,” dagdag pa ng obispo.

Pahayag naman ni retired bishop Teodoro Bacani, “Sobra na ‘yan, binobola na ang mga tao niyan. The longer the delay, ‘yun ‘yung suspetsa nagkakaroon ng sanitation? Oo talaga.”

Naniniwala naman si Batanes prelature bishop Camilo Gregorio na “maduming pulitika” ang nasa likod ng pagtatago ng naturang listahan.

“Alam naman na natin kung sino ang nandun. Pulitika na naman ‘yan. Everything is political. We cannot find the truth na hinahanap natin because of the dirty politics,” pahayag ni Bishop Gregorio.

Kamakailan, nagpahayag naman ng pagdududa si jueteng whistle-blower Sandra Cam na may 80 porsyento ng nasa listahan ay kaalyado diumano ni pangulong Aquino.

Nagbanta naman si ‘Yolanda’ rehabilitation czar Panfilo Lacson kay De Lima na “huwag linisin” ang naturang listahan. Dati nang nagsabi si Lacson na ibinahagi din sa kanya ng mga kamaganak ni Napoles ang naturang listahan.

Bago matapos ang Abril, naglabasan ang mga impormasyon na pinaniniwalaang nanggaling mismo sa National Bureau of Investigation (NBI) na may 19 senador ang kasama sa Napoles list kabilang na ang mga unang sinampahan na ng kaso na sina senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile.

You May Also Like