Mga obispo mangunguna sa pagtatalaga ng PHL kay Maria

MILYUN-MILYONG Pilipino ang handang magpahayag ng kanilang debosyon sa Malinis na Puso ni Maria sa nalalapit na national consecration o pagtatalaga na pangungunahan ng mga obispo sa darating na ika-8 ng Hunyo.

Dahil sa likas na debosyon ng marami sa Mahal na Birhen, tinawag ang sambayanang Pilipino na ‘pueblo amante de Maria’ -- bayang sumisinta kay Maria.
Dahil sa likas na debosyon ng marami sa Mahal na Birhen, tinawag ang sambayanang Pilipino na ‘pueblo amante de Maria’ — bayang sumisinta kay Maria.

Ayon sa pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at Arsobispo ng Cebu Jose Palma, ang magaganap na paghahabilin ng sarili ng mga Pilipino kay Maria ay magpapakita na “ang ating bansa ay talaga namang isang ‘pueblo amante de Maria’—bayang sumisinta kay Maria: isang bayang tunay na nagmamahal kay Maria, ang Ina ng Panginoong Hesus, isang bayang pinagbuklod dahil sa taglay nitong pag-ibig at debosyon para sa Ina ng Diyos.”

Paano sumali?

Sa mismong araw ng Hunyo 8, sa ganap na ika-10 ng umaga, magkakaroon ng pagtatalaga (act of consecration) sa lahat ng mga simbahan, kapilya, katedral at dambana. Inaasahang makikiisa ang mga Katolikong Pilipino sa nasabing pagdiriwang.
Inaanyayahan din ang mga Katoliko na ipagpatuloy ang mga espesyal na debosyon at panalangin kahit matapos na ang pagtatalaga sa Hunyo 8 tulad ng pagrorosaryo, nubena ng Unang Sabado ng buwan, pagtatalaga ng pamilya (family consecration), at ang 33 araw na preparasyon na ipinalaganap ni San Luis de Montfort para sa nais ihabilin ang kanilang sarili kay Maria.

Bakit magkakaroon ng consecration?

Ayon kay Palma, ang pagtatalaga ng buong bansa kay Maria ay bahagi ng pagdiriwang ng Taon ng Pananampalataya (Year of Faith) at ng siyam na taong paghahanda para sa ika-500 na anibersaryo ng pagdating ng Katolisismo sa Pilipinas na gugunitain sa 2021.

Sa kabila ng magagandang dahilan upang magkaroon ng isang national consecration, mayroon ding mga nakababahalang realidad sa lipunan na nangangailangan ng grasya tulad ng patuloy na sagupaan sa Mindanao at ang Komunistang kilusan na ilang dekada nang naghahasik ng karahasan at ligalig sa ilang bahagi ng bansa.

Mga banta sa buhay

Tinukoy din ng pinuno ng CBCP ang kawalan ng trabaho na pumupuwersa sa libo-libong mga Pilipinong makipagsapalaran sa ibang bansa, at ang walang humpay na pagwasak sa kapaligiran.

Ang mga banta ng mga panukalang batas na kontra sa buhay at pamilya tulad ng panukalang batas para sa diborsyo, euthanasia at same-sex “marriage” ay isa ring dahilan para sa national consecration. Kasama na rito ang naisabatas na RH Law o Republic Act 10354.

Para sa dagdag na impormasyon tungkol sa pagtatalaga kay Maria, bisitahin ang http://cbcpnews.net/ncihm

You May Also Like