Mga malalagim na sakuna

meloSa nakalipas na ilang buwan, ikinabahala ng mga mamamayan ang sunud-sunod na sakunang ikinasawi ng mga pasahero, mga tsuper at mga walang kamuwang-muwang at ‘di sinasadyang napunta sa lugar na pinangyarihan ng mga sakuna.

Nagugunita ko pa noong dekada sitenta, sa awitin ng Hotdog na pinamagatang Manila, tanging mga jeep na nagliliparan lamang ang nakikita sa Kamaynilaan. Ano itong mga naganap kamakailan, mga bus na nagliliparan?

Ano ang pinag-uugatan ng mga sakunang ito? Marahil ay may kinalaman sa pangangailangan ng mga tsuper at konduktor na kumita ng sapat kaya’t nagiging pabaya sila sa kanilang paglalakbay. Marahil may kinalaman pa rin ito sa uri ng maintenance ng mga taxi, jeepney at bus. Isama na natin ang mga trak na pangkargamento. Gaano ba kadalas sinisilip at inaalam ng mga mekaniko ang mga sasakyang ito?
Magtataka ka rin kung bakit may mga sasakyang ‘di na nararapat maglakbay sa mga lansangan ang may kaukulang rehistro pa? Maliwanag na kapabayaan ito ng Land Transporation Office. May kapabayaan din ang Land Transport Franchising and Regulatory Board sapagkat nakalulusot ang mga sasakyang kolorum na mamasada sa mga lansangan.

Ang hindi ko mawari ay kung bakit hindi sinusuri ng mga mambabatas ang kalakaran at pagtrato ng mga transport operators sa kanilang mga kawani tulad ng paniningil ng pagkataas-taas na boundary. May mga operator din na hindi lumalagda sa loan application sa Social Security System ng kanilang mga tsuper sa pangambang hindi magbabayad. May mga operator na nananamsam ng drivers’ license sa oras na hindi mabuo ang boundary.

Sa mga kumpanya naman ng bus, sa kanilang paghahabol ng mas mataas na porsiyento, napipilitan silang humarurot sa mga lansangang tulad ng Commonwealth Avenue, Epifanio delos Santos Avenue at maging sa Skyway. Nababalita nating mayroong kahit pagod na ay napipilitan pa ring bumiyahe. Sa pagtatangkang manatiling gising, may nalululong sa shabu.

Kung hindi rin lamang mapapatakbo nang maayos ang mga ahensyang ito, marapat na marahil na maghanap na ng ibang trabaho ang Kagalang-galang na Kalihim Joseph Emilio Abaya at mga nasa pamunuan ng Department of Transportation and Communication.

Kung hindi nagbitiw si NAIA General Manager Jose Angel Honrado matapos ang pamamaril sa NAIA III, marahil ay nararapat pamunuan ni Kalihim Abaya ang pagbibitiw upang huwag nang mapulaan si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na nagkamali sa kanyang mga kinuhang miyembro ng gabinete.
Tabi po!

You May Also Like