Mga magsasakang dawit sa kilos-protesta sa Kidapawan, laya na

Pinakawalan na ang mga ibinilanggo kaugnay ng kilos-protestang nauwi sa madugong dispersal sa pagitan ng mga kapulisan at mga magsasaka noong ika-1 ng Abril sa Kidapawan City, Cotabato, nitong Sabado, ika-16 ng Abril.

Kinumpirma ni P/Supt. Byron Tabernilla, tagapagsalita ng Philippine National Police mula sa fact-finding team na nag-imbestiga sa insidente sa Kidapawan, nakapagpiyansa na ang lahat ng 81 magsasakang idinetine matapos ang bayolenteng engkwentro.

Ayon kay Tabernilla, 12 ang pinalaya noong Miyerkules (April 13), apat noong Huwebes (April 14), 63 noong Biyernes (April 15), at dalawa noong Sabado ng umaga (April 16). Naantala ang pagpapalaya sa nahuling dalawang magsasaka dahil sa kakulangan umano ng mga kaukulang dokumento.

Matatandaang ang mga kasapi sa kilos-protesta, karamihan sa kanila magsasaka, ay inaresto matapos nilang harangan ang Davao-Cotabato Highway upang ipanawagang ibigay na sa kanila ang nakalaang calamity fund ng lokal na pamahalaan matapos masira ang kanilang mga pananim dahil sa matinding init ng panahon.

Ngunit naging madugo ang kilos-protesta na nagresulta sa tatlong kataong patay at dose-dosena ang magsasakang sugatan.

Dagdag ni Tabernilla, ikinulong sa iba’t ibang detention centers ang mga inarestong magsasaka na kalauna’y kinasuhan ng direct assault.

Labindalawang libong piso ang orihinal na nakatakdang babayarang piyansa ng mga kinasuhan ngunit kinalahati ito at naging P6,000 na lamang matapos umapela ang mga idinetineng magsasaka. Ngunit bago pa man aprubahan ng Korte Suprema ang apela ng mga magsasaka, tatlong kinasuhan na ang nakapagbayad ng P12,000 danyos.

Sa tulong ng National Union of People’s Lawyers, human rights group Karapatan, rally organizers, support groups, at ilang mga local celebrities, nakalaganap ng sapat na halaga upang maibayad pampiyansa ng mga magsasaka.

Itutuloy ng Senado ang kanilang pagdinig sa insidente sa Kidapawan sa ika-20 ng Abril. (Carizza Ibañez)

—-

(Photo: Kidlat Multimedia)

You May Also Like