Mga katanungang hatid ng mga bagyo

yenHala, may bagyo na naman! Pagkatapos ni bagyong ‘Maring’ heto agad ang isang bagong ‘Low Pressure Area’. Ano naman kaya ang iiwanang pinsala nito?

Ano na nga ba ang buhay ng mga kababayan nating nasalanata ng bagyo? Ang hirap naman na sa isang iglap ay mawawala lahat ng kabuhayan, tirahan at maging ang mga mahal mo sa buhay.

Nitong nakaraan lamang ay bumisita kami sa tatlong lugar sa Mindanao na nasalanta noong 2012 ni bagyong ‘Pablo’, ang Compostela Valley, Surigao Del Sur at Davao Oriental. Napinsala ang kabuhayan ng mga mamamayan na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso at nabawian ng buhay ang libu-libong katao sa bahaging timog ng bansa.

Hindi pa man nakababangon ang mga nasabing lugar mula kay bagyong ‘Sendong’, ay heto at dumating na si ‘Pablo’.
Base sa aking nakita, pitong buwan na ang nakararaan, pero hanggang ngayon ay wala pang maayos na matitirahan ang mga biktima ni ‘Pablo’. Hanggang ngayon ay mga tenda lamang ang nagsisilbing tirahan nila habang naghihintay ng rasyon ng pagkain.

Ang mas nakalulungkot pa nito ay walang agarang tulong na pabahay ang mga lokal na gobyerno sa kabila ng panawagan ng United Nations noon buwan ng Enero pa na bigyan agad ng mga programang pabahay ang mga biktima ng bagyo sa Pilipinas.

Ang mga kauna-unahang pabahay na naitayo sa mga nabanggit na lugar ay hatid ng Caritas Shelter Project na kahit mga liblib o tagong Sitio o Barangay ay ginalugad para tingnan ang kalunos-lunos na kalagayan ng ating mga kababayan.
Hindi pa man nakababangon ang mga nabiktima ng bagyo noong nakaraang taon, sunod-sunod na kalamidad na naman ang kinakaharap ni Juan.

Nasan na ang mga taong nangako ng tulong pabahay, lalo na ‘yung mga nasa posisyon? Nasaan na ang badyet ng gobyerno para sa emergency response?

Kung ang katulad kong ordinaryong tao ay maraming katanungan tungkol sa nangyayari sa aking paligid, ano pa kaya ‘yung mga mismong biktima ng mga kalamidad tulad ng bagyo? Anong buhay ang naghihintay sa kanila?

(re4teraker@hotmail.com)

You May Also Like