Mga kardinal, dumagsa na sa Roma

cardinalsRome, ITALY—Patuloy na nagsisidatingan ang iba pang mga kardinal mula sa iba’t-ibang bansa para makilahok sa pagpili ng bagong Santo Papa matapos magbitiw si Santo Papa Benedito XVI noong Pebrero.

Mula kahapon, nagsimula na ang serye ng pagtitipon na kilala sa tawag na general congregations upang pag-usapan ng mga kardinal ang petsa para sa espesyal na eleksiyon o conclave para sa pagpili ng susunod na Santo Papa.

Maliban sa petsa ng conclave, pag-uusapan din ng mga kardinal ang magiging direksiyon ng Simbahang Katoliko at kung anong uri ng Santo Papa ang gusto nilang makita.

Sa panayam kay Fr. Federico Lombardi, ang tagapagsalita ng Vatican, mahigit 75 na kardinal na ang nasa Roma mula Linggo, samantalang may iilang kardinal pa ang paparating, at may kabuuang 141 kardinal ang dadalo.

Pinahayag naman ni Fr. Lombardi na hindi pa naisasaayos ang Sistine Chapel kung saan magpupulong ang mga kardinal para sa conclave.

Sa ngayon, nakabibisita pa rin ang mga turista at mga peregrino sa Sistine Chapel na kilala dahil sa kisameng pininturahan ni Michelangelo.

You May Also Like