Mga kandidatong pro-life, nagpanukala ng mga alternatibo sa divorce bill

Nanindigan ang ilang mga pro-life advocates na tumatakbo sa nalalapit na halalan na kailanman ay hindi magiging solusyon ang diborsyo upang mabawasan ang dumadaming bilang ng marital abuse at child beating cases sa bansa at sa halip ay nagmungkahi ng mga alternatibong paraan para sa divorce bill sa katatapos lamang na Pro-Life & Candidates Forum na idinaos sa Aristocrat Restaurant noong ika-13 ng Abril.

Kabilang sa mga kandidatong dumalo sa nasabing forum ay si Leyte First District Congressman Martin Romualdez, tumatakbo bilang independent senatorial candidate nangakong bubusisiing muli ang mga probisyong nakasaad sa konstitusyon na pumapatungkol sa annulment kapag nanalo siya sa kanyang pagtakbo.

Paliwanag pa ni Romualdez, “We will review again the Family Code in line with the annulment proceedings because pro-divorce advocates think that we need the divorce law, but the fact is, the annulment proceeding is very difficult and not appropriate in our society. We shall be guided accordingly.”

Kinwestiyon naman ni Atty. Jan Louenn Lumanta ng Pro-Life Party List ang paniniwala ng ilang mambabatas sa legalisasyon ng diborsyo sa bansa dahil aniya, hindi ang paghihiwalay ang agarang sagot sa mga problemang kinakaharap ng mga mag-asawa sa kanilang relasyon.

Ayon naman kay Dr. Dante Liban na isa ring kandidato sa pagka-senador, uunahin niya ang pagtataguyod ng Department of Families na siyang tutulong sa mga kababaihan, single parents, kabataan, at senior citizens.

Nananalig naman si Sen. Vicente “Tito” Sotto III na hindi papasa ang divorce bill sa House of Representatives dahil hindi ito hahayaang makalusot ng mga kongresista. Pabiro pang sinabi ni Sotto, “Congressmen will not allow it or else their wives will kill them.” Dagdag pa ni Sotto, kailangan lamang amyendahan ang kasalukuyang mga probisyon sa annulment sa ilalim ng Family Code upang mas maging epektibo ito.

Legal separation naman ang suhestiyon ni Pasig Representative Roman Romulo kapalit ng divorce bill.

“The problem with the annulment is it is too expensive and the process is too long but there are other ways to do that there is legal separation but there should be a valid reason before we allow it,” ani Romulo. (Carizza Ibañez)

You May Also Like