Mga estudyante nag-file ng ika-11 petisyon laban sa RH

Hindi alinsunod sa Konstitusyon – ito ang paratang ng anim na indibidwal laban sa Republic Act (RA) 10354 o ang Reproductive Health Law sa isang petisyon na inihain nila kamakailan sa Korte Suprema upang mapawalang-bisa ang nasabing batas.

 Isa si John Juat sa mga estudyanteng naghain  kamakailan ng ika-11 na petisyon laban sa RH Law.
Isa si John Juat sa mga estudyanteng naghain
kamakailan ng ika-11 na petisyon laban sa RH Law.

Sa limangpung-pahinang petisyon, kinukwestiyon nina John Walter Juat, isang education major, at ng lima pang estudyante ang RA 10354 na maliwanag na kumokontra sa hangad ng Saligang Batas na itaguyod ang mga susunod na henerasyon.

Ayon sa petisyon, ang isang lipunang ginagabayan ng pagmamahal ay hindi maaaring maging kalaban ng salinlahi sa hinaharap. Kaya’t, hindi maaaring pigilan nito ang pagpapaanak, ang pinagmumulan ng bagong buhay. Dahil pinapahalagahan ng Saligang-Batas ang buhay, kinakailangang protektahan nito ang kakayahan ng tao para sa pagpapalaganap ng sanlahi.

Sa isang panayam, sinabi ni Juat na bilang isang mag-aaral, siya ay apektado ng RH law. Ayon sa kanya, ang nasabing batas ay maaaring baguhin nang lubusan ang pananaw ng mga kabataan tungkol sa mga isyu tulad ng buhay pamilya, pag-aasawa at contraception.

Dagdag pa niya, “Ang pagkakaroon ng ganap na kaisipan ay depende sa tao, at ang isang bagay na kasing importante at sensitibo tulad ng sex education ay dapat ipaubaya sa mga magulang na kilala ang kanilang anak.”

Idiniin pa ni Juat na mas maraming maaari pang gamitan ang pondo ng RH na aabot sa P13.7 bilyon kada taon, tulad ng edukasyon, pagpapagamot, dagdag na sahod sa mga guro o mga programa para sa pagpapababa ng kahirapan.

Sa nasabing petisyon, kinukwestiyon ng grupo ang layunin ng RH law na ipaggiitan sa mahihirap ang mga artificial family planning methods, gamot at mga aparato.

You May Also Like