Mga balitang nakatutuwa

meloSABI ng isang negosyante, karapatan din naman nilang mag shopping sapagkat mayroon silang mga lehitimong negosyo. Nagugunita ko noong mga nakalipas na dekada, mayroong tanyag na pamilya na nagdiwang ng kanilang golden wedding anniversary na pinagtaasan ng kilay ng mga mamamayan. Ang dahilan: itinatapat na lamang ng mga panauhin ang kanilang mga kopita sa isang fountain upang magkaroon ng champagne.

Kung susukatin, napakaluho ang ganoong gawain noong dekada sisenta o sitenta. Subalit tulad ng talino’t ganda, hindi talaga maitatago ang kayamanan. Biruan sa mga kapihan, mayroong mga taong pagkalalalim ng bulsa subalit napakaiksi ng kamay. Simple ang ibig-sabihin, kuripot ang mga taong ito.

Sa isang bansang pinagmulan ng higit kumulang 10,455,788 na immigrants, karamihan sa kanila’y nangibang-bansa upang maghanap ng mas mabuting kabuhayan, tila magiging kalamansi sa sugat ang mga katagang “may karapatan kaming mag shopping”, sapagkat higit na mas marami ang natutuwa na lamang sa window shopping.

Isa pa ring nakatutuwang balita ay ang namutawi sa labi ni Pangulong Aquino sa kanyang ika-apat na SONA noong isang buwan: na matindi ang corruption sa Bureau of Customs at sa Bureau of Immigration. Kulang na lamang ay murahin niya ang mga namumuno sa mga tanggapang ito.

Bilang pagpapakita ng kanyang katapatan, nag-alok si Commissioner Ruffy Biazon ng kanyang pagbibitiw na hindi naman tinanggap ni Pangulong Aquino. Kung tapat marahil si Ginoong Biazon sa kanyang pagbibitiw, lumiham na siya sa punong ehekutibo at nagsabing irrevocable ang kanyang pagbibitiw at nagpasalamat na lamang sana sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanya. Nagkataong de-lastiko pala ang kanyang pagbibitiw.

Sa panig ni Pangulong Aquino, mas makabubuting tinanggap na niya ang pagbibitiw ni G. Biazon upang magkaroon ng bagong simula ang ahensya.

Sa mga pagkakataong ito, ‘di mo malaman kung matatawa ka o malulungkot sapagkat layunin ng karaniwang tao na mabuhay nang simple at tahimik, makasama ang mga mahal sa buhay at maging responsableng kasapi ng lipunan.

Ang nakalulungkot nga ay nagkakaroon ng mixed signals ang taongbayan sa mga nagaganap ngayon. Dalawa lamang ang pagpipilian, ang Itim at ang Puti o sa Ingles ay Black and White. Congrats nga pala kay Leah Navarro na nakapanumpa na sa kanyang trabaho sa pamahalaan. Natatandaan ko ang kasabihang natatampok sa isang patalastas sa isang pandaigdigang telebisyon.
“A shady business never yields a sunny life,” ayon kay B. C. Forbes.

You May Also Like