Mga Bagong Lilimutin sa Bagong Taon

The Jumping WallHalo-halong emosyon ang bumalot sa karamihan ng mga Pilipino noong 2013. May saya dulot ng pagkapanalo sa maraming patimpalak tulad ng sa pampalakasan na nanalo ang Gilas Pilipinas basketball team ng silver medal na siyang magbabalik sa bansa sa World Cup makalipas ang ilang dekadang paghihintay. Dagdag din ang kabi-kabilaang pagkapanalo sa mga beauty contests tulad ng Miss World na napanalunan ni Megan Young. Sa ganitong paraan, kahit papano nakalilimot tayo sa mga problema. Idagdag pa natin ang magandang panimula ng ekonomiya ng bansa na nagdulot ng magandang epekto sa stock market at interest rates sa bangko. Isa pa diyan ang pagpasok ng Pilipinas sa investment grade.

Nagalit naman tayo sa mga isyu tulad ng nalantad na malawakang pandarambong at panloloko sa tao dulot ng pagwawaldas ng buwis ng bansa. Lumitaw ang pangalan ni Janet Napoles at ng ilang mga pulitiko na sinasabing kasabwat niya. Kabi-kabilaan ang rally at talagang matindi ang galit ng marami. Ilan pa sa kinagalit ng mga tao ngayong taon ay ang pagkakaroon ng agawan sa teritoryo sa pagitan ng ating bansa at ng ilang karatig bayan tulad ng Tsina at Malaysia. Idagdag pa natin kaliwa’t kanang batikos sa resulta ng eleksyon. At ang mga aksidente na dulot ng kapabayaan tulad ng mga banggaan ng ng mga trucks at buses. Isa na nga ang nahulog pang Don Mariano bus sa Skyway.

Nalungkot naman tayong lahat dahil sa maraming mga sakunang sumira at nagwasak sa kabuhayan ng marami nating kababayan tulad ng lindol sa Bohol at Cebu, Yolanda sa Samar at Leyte at sa iba’t iba pang mga bagyong nauna nang dumating at sumalanta sa iba’t iba pang lugar ng ating bansa.

Natakot tayo sa mga pangyayaring tulad ng kaguluhan sa Zamboanga kung saan nagbakbakan ang MNLF at ang ating mga sundalo. Ganon din sa banta ng terorismo sa ilang lugar na nagkaroon ng pagbobomba tulad sa isang bar sa katimugang bahagi ng bansa na ilang mga sibilyan pa nga ang nasawi. Isa pang pinangambahan natin ay ang kabi-kabilaang pagkalat ng iba’t ibang sakit tulad ng dengue. Kasama pa diyan ang takot na baka maulit pang muli ang malalaking trahedya at sakuna anumang oras.

Halo-halo namang galit, gulat, lungkot at pangamba ang naramdaman nating lahat sa pagtaas ng halos lahat ng bilihin tulad ng langis, bigas, kuryente, tubig atbp.

Kumpletos rekados ika nga ang aksyon sa buong taon. Mula umpisa hanggang huli. At dito rin ay kitang-kita natin ang bugso ng damdamin ng bawat Pilipino tuwing may malaking pangyayari sa ating bansa. Tuwing may ganitong mga eksena, para bang laging magkakaroon ng malawakang rally o People Power dahil sa bugso ng emosyon. ‘Yan ay kung babasahin natin ang social media posts ng maraming tao. Matindi. Tila ba magbubuwis ng buhay sa tindi ng ipinaglalaban. Kung ganito lang sana talaga, marami na sanang bagay ang nabago para sa ikabubuti ng bayan. Kaso, bilang ka lang ng isa o dalawang linggo o minsan maigsi pa lalo kung may bago pa uling malaking pangyayari at paniguradong nakalimutan na agad.

Nasan na ang imbestigasyon sa PDAF scam? Ano na ang nangyari sa mga donasyon ng ilang bansa para sa nabiktima ng Yolanda? Kamusta na ang paghabol sa mga may kasalanan sa Zamboanga siege? Ilan na ba sa mga nabiktima ng bagyo at lindol ang natulungan na ng gobyerno na makabangon? Ano na ang nangyari sa issue ng Sabah? Nabakuran na nga ba talaga ng Tsina ang Scarborough Shoal?

Bagong taon na. Ano na naman kaya ang ikakagalit nating mga Pilipino? At ilan kaya ang tunay na masosolusyonan at ilan naman ang mababaon na lamang muli sa limot?

(rogie_ylagan@yahoo.com)

You May Also Like