Mayayaman o Mamamayan?

Kahit palapit na ang halalan, hindi pa rin nakakasiguro ang mga tumatakbo sa pagkapangulo o kahit anong posisyon kung ang kanilang mga kaalyado ay nasa kanila pa rin. Wika nga ng iba, “there are no permanent friends or enemies in politics.” Ang katunggali mo noon ay maaaring kakampi mo ngayon at ang kakampi mo noon ay maaaring katunggali mo ngayon. Hanggang wala tayong mga matitinong partido pulitikal ay patuloy pa rin mangyayari ang mga lipatan at baliktaran. Hindi ang interes ng mamamayang Pilipino ang kanilang isinusulong kung hindi ang kanilang mga pulitikal na ambisyon o mithiin. Kawawa naman talaga ang taumbayan!

***

Araw ng Manggagawang Pilipino sa Mayo Uno. Ang hangad ng bawat obrero sa aking palagay ay ang mga sumusunod: marangal na pagkakakitaan o makatao na sahod, maayos na pagtrato sa pinapasukang trabaho at pagwaksi sa kontraktwalisasyon. Lahat ng mga tumatakbong pangulo (batay sa huli nilang debate sa lalawigan ng Pangasinan) ay tutol sa kontraktwalisasyon ng mga manggagawa. Ang sabi pa nga ng isa ay ang kontraktwalisasyon daw ay labag sa ating saligang-batas. Pabor na pabor ang sistemang ito sa mga negosyante. Kaya ba nilang talikuran ang mga mayayaman para sa mamamayan? O isa na naman itong pangako na mapapako lamang?

***

Ang lahat ng lingkod-bayan ay nagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o mas kilala bilang SALN taun-taon. Maaari nating suriin ang SALN ng bawat tumatakbo sa halalan bilang isang batayan. Tunay kaya ang kanilang mga isinulat sa kanilang SALN? O mayroon kaya silang mga tinatagong-yaman na hindi nakasaad sa kanilang SALN? Tandaan ninyo na may mataas na opisyal ng gobyerno na nilitis pa sa Senado na naalis sa puwesto dahil dinaya niya (umano) ang kanyang SALN. Sa panahon ngayon, mas madali nang malaman ang lahat-lahat.

***

Sa mga Katolikong guro, alalahanin natin ang ating patron na si St. Jean-Baptiste de La Salle na naipanganak noong ika-30 ng Abril 1651 sa bansang Pransya. Kahit mayaman ang kanyang pamilya, inalay niya ang kanyang buhay para mabigyan ng edukasyon ang mga kabataan lalung-lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan. Sa Pilipinas, bagamat ang edukasyon ay isang karapatan, and dekalidad na edukasyon ay tinatamasa lamang ng iilan.  (Prof. Michael Trias – Ang)

You May Also Like