May Purgatoryo nga ba?

purgatory

Ang Doktrina ng mga Huling Bagay o kilala bilang Eschatology mula sa salitang Griyego na nangangahulugang katapusan o kahihinatnan ay naglalayong ipaliwanag ang misteryo ng mga huling talata ng Kredo ng mga Apostoles na kilala bilang dalangin na ‘Sumasampalataya Ako’: “…ang muling pagkabuhay ng katawan at buhay na walang hanggan.” Ito ay mas kilala bilang “Ang Huling Apat na Bagay”– Kamatayan, Paghuhukom, Kalangitan, at Impiyerno at kasama sa katuruan ang purgatoryo, ang Ikalawang Pagbabalik ni Kristo, at ang Katapusan ng Mundo. Nagaganap ang partikular na paghuhukom sa punto ng kamatayan kung saan itatalaga ang desisyon kung ang namatay ay karapat-dapat sa langit o sa impiyerno.

Saan nga ba ang purgatoryo? Nabanggit ba ito sa Bibilya? Ang salitang ‘purgatoryo’ ay mula sa salitang Latin na purgo – o pagdalisayin at walang kinalaman sa kaligtasan; ito ay proseso ng paglilinis. Hindi naman binabanggit sa mga Doktrina ng Simbahan ang haba at paraan ng paglilinis o pagdadalisay, ngunit mayroong paniniwala na ang paraan ay sa pamamagitan ng apoy. Ang terminong ito ay hindi diretsong nababanggit sa Bibilya, ngunit mayroon namang mga bersikulo na sumusuporta naman sa pagkakaroon ng lugar na patungkol sa Purgatoryo (CCC 1030-1032).

Nabanggit ni Kristo ang pagpapatawad sa mga kasalanan sa mundong ito at maging sa darating, Kanyang sambit… “Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa anumang paraan ay hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang huling sentimo” (Mateo 5:26). Maging ang mga sinaunang Ama ng Simbahan na sina San Agustin at San Gregorio at iba pa ay nagkakaisa sa paliwanag na ito ay patunay sa Purgatoryo. Noong 210, sumulat si Tertullian, “Kung ating uunawain ang kulungan ng binabanggit sa Ebanghelyo bilang Hades, at ating uunawain ang huling sentimo (Mateo 5:25-26) bilang munting pagkakasala na dapat malinis bago ang Huling Paghuhukom, walang duda na ang kaluluwa ay dumadaan sa parusa sa Hades.”

Itinuro naman ni San Pablo ang sinabi ni Kristo patungkol sa “mababang rehiyon” sa Epeso 4:9 at nagdadalisay na apoy, “Ang gawa ng bawat isa, anumang uri ito ay susubukin ng apoy” (1 Kor 3:10-15). Si San Juan ay nagturo naman tungkol sa nakamamatay at hindi nakamamatay na kasalanan (1 Jn 4:16-17) na tinawag naman ng Simbahan na mortal at hindi mabigat na mga kasalanan. Lahat ng maling gawain ay kasalanan, kahalayan, kasama na rin ang hindi mabigat na mga kasalanan. Dahil walang ‘di malinis ang makalalapit sa Diyos (Paghahayag 21:27) saan napupunta ang mga kaluluwa na kontaminado ng hindi nakamamatay na kasalanan?

Pinagbabayaran ang kasalanan sa pagliligtas na gawa ni Kristo at ipinapatawad sa Kumpisal, ngunit ang pansamantalang epekto ng kasalanan ay nangangailangan pa rin ng pagbabayad. Kahalintulad ng paninirang puri sa reputasyon ng iba, patatawarin lamang kung humingi ng tawad, ngunit ang kaapihan ay nananatili at nangangailangan ng bayad-pinsala. Lumpo ang kaluluwa ng mga namatay na may kaakibat na pagkakasala at nangangailangan ang mga ito ng pagdadalisay. Ang masakit na pagpipino ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng kabanalan sa ating buhay. Ang Plenaryong Indulhensya ay naglalayong pagaanin ang buong kaparusahan, samantalang ang kumpletong pagpipino ay makakamit lamang sa pamamagitan ng sakripisyo. Tayo ay naghahandog ng mga dasal para sa mga kaluluwa sa purgatoryo upang sila ay maligtas sa kanilang kalagayan (2 Mac 12:42-46).

You May Also Like