May Kumikita sa Paranaque City Jail?

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) sa Paranaque City na hindi planado ang naganap na pagsabog ng granada sa city jail ng lungsod nitong Agosto 11 ng gabi na ikinamatay ng 10 bilanggo.
 
Pero, hindi sigurado si Senior Supt. Jose Carumba, hepe ng PNP – Paranaque City, kung mayroong kumikitang mga opisyal ng city jail ng lungsod kaya nakapasok ang granada, uzi, patalim, at iba pang kontrabando sa loob ng kulungan.
 
Ang pinakatiyak sa kasalukuyan ay naging pabaya ang mga opisyal at jailguards, kaya nakapasok ang granada, uzi na mayroong silencer, patalim, at iba pa sa city jail, diin ni Carumba.
     
Aniya, kakasuhan na sa korte ang jail warden na si Supt. Gerald Bantag at iba pang guwardiya ng kaukulang kasong kriminal bukod sa pagkakasibak sa kanila mula sa kontrobersiyal na kulungan.
 
Matatandaang ilang kamag-anak ng mga namatay ay kumbinsidong planado ang pagkamatay ng sampu dahil mabilis na namatay ang walong bilanggo, habang ang dalawa sa kanila ay sa ospital na namatay.
 
Sabi ni Bantag, nagulat din siya sa pangyayari dahil nagsisipilyo siya sa loob ng kanyang tanggapan nang biglang pumasok ang sampung bilanggo dahil hangad nilang makipag-usap sa kanya hinggil sa kagustuhan umano nilang mailipat sa ibang selda.
 
Ayon kay Bantag, habang nakikipag-usap ang mga preso ay biglang inilabas ng isa sa mga bilanggo ang uzi na mayroong silencer at biglang nagkagulo hanggang sumabog ang granada.
 
Bahagyang tinamaan si Bantag ng granada, kaya itinakbo rin siya sa ospital.
 
Tiniyak din ni Bantag na walang katotohanan na ipinapatay ang sampu dahil walo lang naman sa kanila ang may kasong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.
 
Ang mga namatay ay sina Jack Huang, Yonghai Cai, Warren Manampen, Ronald Domdon, Rodel Domdon, Danilo Pineda, Joseph Villasor, Oliver Sarreal, Jeremy Flores, at Jonathan Ilas.
 
Lahat sila ay may kasong paglabag sa Republic Act. No. 9165, maliban kina Sarreal at Ilas na robbery ang kaso.

You May Also Like