Matamil ang mga Dila

 

MATAPANG ang dalawang pangunahing opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa mga negosyante.

Pagkaupo nina Sylvestre Bello III, bilang kalihim ng DOLE, at Joel Paglungsod, bilang pangalawang kalihim, bumira agad sila hinggil sa kontraktuwalisasyon.

Sabi nina Bello at  Maglungsod, kailangang wakasan na ang kontraktuwalisasyon, o end of contract (endo) upang magkaroon na ng regular na hana-buhay ang mga manggagawa.

Ang kontraktuwalisasyon ay isa sa mga malupit na instrumento sa pananamantala ng mga negosyante sa mga manggagawa.

Pinagtatrabaho ng mga negosyante ng walong oras, o higit pa kada araw ang mga manggagawa.

At kailangang magampanan din nila ang ginagawa ng regular na mga manggagawa upang malaki ang kitain ng mga negosyante, ngunit ang sahod nila ay napakalayo sa minimum na suweldo na itinakda ng Regional Wage and Productivity Board (RWPB) ng bawat rehiyon.

Tapos, wala pang benepisyong nakukuha ang mga kontraktuwal na mga manggagawa mula sa pamahalaan at sa mga amo nila.

Nang magbigay ng pahayag ang dalawa, bagamat sa magkahiwalay na pagkakataon, natuwa ang mga manggagawa dahil tila natanggalan sila ng tinik.

Tingin ng maraming manggagawa, lalo na ang mga kontraktuwal, ay may pag-asa silang magkakaroon ng magandang direksyon ang pagiging manggagawa nila, dahil magiging regular na rin sila tulad ng kakaunting regular na mga manggagawa.

Ngunit, hanggang ngayon ay wala pang nangyayari sa mga pangako nina Bello at Maglungsod.

Hanggang ngayon ay pangako pa rin ang pahayag ng dalawa.

Akala namin dito sa TapatNews.com ay masisimulan na ang pagwasak, o dahan-dahang pagbaklas sa instrumento ng pananamantala ng mga negosyante laban sa mga manggagawa.

Ang tatamil pa naman ng dila nina Bello at Maglungsod laban sa mga negosyante at sa armas ng mga ito laban sa mga obrero.

Iyon pala ay hanggang panduduro lang sa mga negosyante.

Kung pagagandahin natin, press release lang—gawain kung saan bihasa ang mga naging kalihim at ikalawang kalihim ng DOLE mula nang maitayo ang nasabing kagawaran.

Kauna-unawa kung si Bello ang solong press release ang estilo ng pagtatrabaho, dahil kahit na naging taga-pangulo siya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Mindanao noong araw, si Bello ay matagal na ring nilamon ng umiiral na sistema.

Pero, hindi kapani-paniwala kung si Maglungsod ang gagawa, sapagkat siya ay naging komander ng New People’s Army (NPA), naging lider ng Kilusang Mayo Uno (KMU), at naging representnte ng Anakpawis party-list sa Kamara del Representantes.

Ngunit, tahasan na kaliwa’t kanan man ang pagtanggi ni Maglungsod, iba ang sinasabi at ipinupunto ng kanyang mga ikinikilos.

Sa kasalukuyan, pangako pa lamang ang nagagawa ni Maglungsod katulad ni Bello.

Malinaw pa sa sikat ng araw na wala pang ginagawa na kongkreto ang DOLE na pinamumunuan nina Bello at Maglungsod laban sa kontraktuwalisasyon.

Kung ebidensiya ang kailangan nila, tinutulungan na sila ng mga organisasyon ng mga manggagawa tulad ng Federation of Free Workers (FFW), Bukluran ng Manggagawang Bukid (BMP), Partido Manggagawa (PM), at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), sa pamamagitan ng pagbibigay ng datos tungkol sa kung anu-ano ang mga kumpanyang nagmistulang imbakan ng mga manggagawa s loob ng limang buwan.

Ngunit, wala pa ring ginagawa sina Bello at Maglungsod.

Hindi pa ba sapat ang binabanggit ng mga organisasyon ng mga manggagawa ang eksaktong bilang kung ilan ang regular at  kontraktuwal sa San Miguel Corporation, sa Jollibee, sa Meralco, sa Philippine Airlines,  at iba pa.

Sayang ang mga matatamil na dila nina Bello at Maglunsod, ngunit lumitaw ang katotohanang napakapurol pala ng kanilang dila.

Kung gaano katapang ang pahayag ng dalawang opisyal laban sa kontraktuwalisasyon, ganoon din katindi ang kaduwagan ng dalawa.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like