Matagumpay ang Araw ng Kagitingan Ultra-Marathon

ultra-marathon
Ipinasa ni VFP Mariveles, Bataan Post Commander Peregrino Divinagracia ang symbolic torch sa event founding organizer ng 114-km Araw ng Kagitingan Ultra-Marathon na si Ed Paez sa pagbubukas ng taunang patakbo.

HINDI naging sagabal ang init ng araw at iba pang kaakibat na problemang dumating sa punong-abala sa taunang pagsaludo nito sa Kabayanihan ng mga Bayani ng Bataan.

Tagumpay pa ring maituturing ang pagsagawa ng mga namamanatang relay-runners sa pagsagawa ng taunang non-competitive, relay ultra-marathon na itinahak sa 1942 Death March Trail.

Ang ika-28 edisyon ng Araw ng Kagitingan Ultra-Marathon (A Tribute To World War II Veterans) ay isinagawa nitong Abril 8-9. Ang event na ito ang pinakamatanda at pinakamahabang distansiyang takbuhang may habang 114-kilometrong ruta. Inumpisahan ito sa Death March Kilometer Post Zero Marker sa Mariveles, Bataan sa ganap na ika-9 ng umaga noong Abril 8.

Tampok dito sina Veterans Federation of the Philippines (VFP) Post Commander Peregrino Divinagracia at iba pang buhay na bayani kasama ang pundador na si Ed Paez ng San Fernando Runners Unlimited, Inc. na siyang nagbukas ng taunang patakbong nagsimula noong 1986.

Isang maikli, madamdamin at payak na programa ang naganap, na sinundan ng pagsindi ng simbolikong “Sulo ng Katapangan” ni Divinagracia, na kaniyang ipinasa kay event founding organizer na si Ed Paez.

Itinakbo naman ito ng grupong San Fernando Runners Unlimited, Inc. (SAFER RUN), kasama ang Caloocan North Running Club, Sta. Rosa City Runners, Runners Plus at Rotary International District 3918 patungong Lubao, Pampanga.

Nadaanan ng grupo ang isang siyudad at siyam na bayan ng Bataan, bago nagpalipas ng magdamag sa Lubao Gymnasium ang mga “modern-day marchers,” kung saan muling inilatag ang “pulang alpombra” nina Pampanga Gov. Lilia Pineda, anak na si Mayor Mylyn Cayabyab, at dating punong-bayang kapatid nitong si Dennis Pineda, para sa mga mananakbo.

Sa pag-ampong ito ng mag-iina sa mga panauhing mananakbo,matagumpay na naipagpatuloy ang makatuturang takbong ito, na inayudahan din ng Milo Energy Drinks, Unilab Active Health, PCSO, Mayo Productions, Inc., San Miguel Corp., Pocari Sweat, Pampanga’s Best, Alice Bakery & Grocery, Speed Detergent Bars, Excellent Noodles, Isport Botak, F.M. Ringor Engineering/AdEvents, Hotel Victoria de San Fernando, at ang bukod tanging opisina ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Gitnang Luzon.

Hindi tulad ng kanilang iniidolong World War II Veterans, na puwersahang isinakay sa bagon ng tren, ang mga namamanatang mananakbo ay kumportableng sumakay ng kani-kanilang back-up vehicles patungong Sto. Domingo, Capas, Tarlac, kung saan nagsimula ang patakbo sa natitirang 12-kilometrong lakbayin patungong Capas National Shrine o mas kilala bilang Camp O’Donnell, na siyang pinaka-dulo ng taunang saludong-patakbo, na nagtapos sa dalawang-araw na panata ng mga Patriotic Runners.

You May Also Like