Masama na nga ang Motibo, Masama pa ang Inasal

 

“AUGUST BODY” ay mga salitang ginagamit upang isalarawan ang isang kagalang-galang, o kahanga-hangang institusyon.

Hinugot ito mula kay Augustus Cesar, ang kauna-unahang emperor ng Emperyo ng Roma.

Ang aral, o edukadong indibidwal ay isinasalarawan ang Kongreso bilang august body.

Dahil kabilang sa Kongreso ang Senado, august body na rin ang deskripsiyon sa nasabing mataas na kapulungan ng Kongreso.

Kapag senador, dapat kagalang-galang at kahanga-hanga sa pagpapasya, sa pakikipagdiskurso, at siyempre, lalo na sa asal.

Hindi dapat nababago ng Senado ang maayos na pag-iisip, ang pakikipagtalakayan, at pag-aasal ng isang mambabatas, sapagkat hindi naihulma ang Senado sa ganitong mga kamalian at kabulastugan.

Nitong Huwebes, nagpamalas ng kasaysayan ang ilang senador habang nakasalang ang isang Edgar Matobato sa pagdinig ng isang komite sa Senado na pinayagan ng mga senador na magsagawa ng pagdinig hinggil sa malaganap na extrajudicial killings (EJKs) simula noong Hulyo 1.

Habang “live”sa telebisyon ang pagdinig, isinambulat ni Matobato na ang utak ng umanoy talamak na patayin ng ‘di kilalang kalalakihan sa Davao City mula noong 1998 hanggang 2014 ay sina dating Davao City Mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte.

Isa si Matobato sa anim na hindi kilalang kalalakihan na pawang mga kasapi ng “Lambada Boys”, o Davao Death Squad (DDS) na pumapatay (EJKs) ng mga taong ipinapatay ng mag-amang Duterte.

Isinalang si Matobato ni Senadora Leila de Lima, pinuno ng Senate Committee on Justice and Human Rights na nangunguna sa pagdinig hinggil sa malaganap na EJKs.

Kapansin-pansin na masama ang motibo sa pagkakasalang kay Matobato, sapagkat ang ginawa nito ay idiniin si Pangulong Duterte sa EJKs na ang gamit na datos ay mula 1998 hanggang 2014 na pawang naganap lamang sa Davao City at hindi pa napatunayan  kung totoo, o hindi ng korte.

Sa madaling salita, ginawang ‘firing range’ ang Senado upang pagbabarilin si Pangulong Duterte.

Ang pinag-uusapan ay ang naganap na EJKs sa iba’t ibang panig ng Pilipinas mula Hulyo 1 ng taong kasalukuyan, kung saan nagsimula ang gyera ng administrasyong Duterte laban sa napakatalamak na pag-iral ng iligal na droga sa bansa.

Ang masama, nagsilbing abogado ni Matobato si De Lima.

Ang higit na masama ay ‘isinusubo’ ni de Lima ang mga sasabihin ni Matobato kung hindi ito makapagsalita nang diretso.

Ang isa pang kapansan-pansin na nagpatunay na mayroong masamang motibo si De Lima ay pinipigilan niya si Senador Alan Peter Cayetano habang hinihimok nito si Matobato na magsalita hinggil sa mga taong nasa likod ng kanyang pagsulpot sa Senado.

Lalong natumbok ang kasamaan at kabastusan sa Senado nang patayin ni Senador Antonio Trillanes IV ang mikropono ni Cayetano habang nagsasalita pa ito.

“Out of order” daw si Cayetano, kaya niya ginawang patayin ang mikropono ni Cayetano, paliwanag ni Trillanes.

Pero, idiniin ni Trillanes kay Cayetano na “hindi kita papopormahin” habang kagustuhan ni Cayetano na alamin ang katotohanan sa pagpapasulpot ni De Lima kay Edgar Matobato.

Sabi ni Cayetano, tinimbrehan ng tanggapan ni De Lima ang media upang makanig ang mga mamamahayag at matiyak na “live” sa telebisyon si Matobato upang marinig at mapanood ng sambayanang Pilipino ang pamamaril ni Matobato kay Duterte.

Sa ginawa nina De Lima at Trillanes, ipinakita ng dalawa kung anong klaseng mga mambabatas ang mga ito.

Si Senadora Leila de Lima na kabagu-bagong halal na senador ay kinaladkad na sa masamang layunin ang Senado.

Si Senador Antonio Trillanes naman ay matagal nang senador, ngunit hindi tumitino dahil madalas na kaladkarin sa kahihiyan ang Senado.

Ang huling ginawa ni Trillanes ay hindi na pinalampas ng mahigit 300 kapwa niya nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA), sapagkat kumbinsido silang lampas na ang inasal niya nitong Huwebes.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like