Masakit na sa Tenga

 

MAKA-MANGGAGAWANG PINUNO: Sa pangunguna ng Partido Manggagawa (PM), isinusulong ng  sektor ng mga manggagawa na magkaroon ang Pilipinas ng pinuno na tapat at seryoso ring maresilbahan ang mga suliranin ng mga manggagawa at hindi lamang ang tungkol sa iligal na droga at narco-politics.
MAKA-MANGGAGAWANG PINUNO: Sa pangunguna ng Partido Manggagawa (PM), isinusulong ng sektor ng mga manggagawa na magkaroon ang Pilipinas ng pinuno na tapat at seryoso ring maresolbahan ang mga suliranin ng mga manggagawa at hindi lamang ang tungkol sa iligal na droga at narco-politics.

SIGURADONG lahat ng mamamayang Pilipino ay naghahangad ng pagbabago na mauuwing lahat sa maganda, tahimik, at makabuluhang buhay ng bawat Pilipino.

Kaya, huwag kaming sisisihin dito sa TapatNews.com kung susuportahan namin ang pagbabagong hinahangad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaso, masakit na sa tenga ang pagbabagong ipinangangalandakan ni Duterte araw-araw sa kanyang mga talumpati at panayam sa media.

Ang pagbabagong idinidiin niya ay nakatuon sa iligal na droga.

Pinalawig ito ni Duterte sa konseptong “narco-politics.”

Ang ibig sabihin ni Duterte sa narco-politics na ito ay ang pagpapatakbo ng sindikato ng droga sa pamahalaan, korte, at halal na opisyal ng pamahalaan.

At ang pagpapatakbong ito ay gamit ang perang galing sa droga.

Hindi namin kinukuwestiyon ang ‘gyera’ laban sa narco-politics, kung ganito ang nakalap na impormasyon ni Duterte mula sa kanyang “pinagkakatiwalaang intelligence group.”

Maganda nga, dahil nangangahulugang ayaw mangyari ni Durterte ang naganap sa Colombia ilang taon na ang nakalipas kung saan ang pamahalaan ay kontrolado at pinatatakbo na ng mga kilabot na drug kingpins ng nabanggit na bansa.

Ngunit, huwag kalimutan ni Pangulong Duterte na hindi lang droga at narco-politics ang problema sa Pilipinas.

Napakalala ng katiwalian, korapsyon, at pandarambong.

Katunayan, naglipana ang mga tiwali, korap, at mandarambong sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Napakasahol din ng problema sa kontraktuwalisasyon at ubod ng baba na sahod ng mga manggagawa.

Ang suliranin sa human trafficking ay hindi rin pahuhuli sa sobrang lala kung saan ultimong mga batang musmos ay kasama sa mga nabiktima.

Nararapat lamang bigyan ng pansin ang mga nabanggit naming problema ng ating mahal na Pilipinas.

Kailangan ang mapagpasya at agresibong desisyon at aksyon laban sa mga problemang nabanggit.

Hindi panay droga, hindi puro narco-politics.

At kung bibigyan ng pansin ni Pangulong Duterte ang kahirapan, katiwalian, korapsyon, pandarambong, human trafficking, at kontratuwalisasyon ay hindi niya kailangang hamunin ng away ang mga ‘lord’ , ‘dealer’, at ‘tulak’ ng mga suliraning ito.

Ang kailangan ay bigyan ng pokus at malinaw at  kongkretong plano, kasabay sa pagsugpo ng iligal na droga at pagwasak sa narco-politics.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like