Mariano, 3 pang kaliwa kapit-tuko na sa puwesto

Ni: Boy Celario
 
 Sec. Mariano
Sec. Mariano

WALANG kabalak-balak magbitiw si Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano mula sa administrasyong Duterte, ayon mismo sa kanya.

 
Maging sina Sec. Judy Taguiwalo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Liza Masa ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), at Usec. Joel Maglungsod ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay hindi magbibitiw.
 
Usec. Maglungsod
Usec. Maglungsod

Ang pahayag ni Mariano ay reaksyon niya sa kumalat na balita kahapon na magbibitiw silang apat na mga “leftist activist” sa mga puwestong ibinigay sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 
Kaninang 9:00 A.M. ay nakatakda umanong ianunsiyo ang kanilang pagbibitiw sa isang presscon venue sa Quezon City, ayon sa text messages na kumalat sa mediamen.
 
Maging ang Punong Patnugot ng Tapat News online at bi-monthly newspaper ay nakatanggap ng nasabing mensahe ng pagbibitiw nitong Lunes ng hapon.
 
Masa
Masa

Ang dahilan daw ng pagbibitiw ay ang  matinding extra judicial killings laban sa mga drug dealer at ang hindi na maaawat na pagpapalibing ng mga labi ni Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

 
Sa Setyembre 18 isasagawa ang libing na suportado ng maraming organisasyon at personahe.
   
Idiniin ni Mariano na pawang “tsismis lamang” ang balitang kakalas na sila nina Taguiwalo, Masa, at Maglungsod sa pamahalaan.
 
Sa kalatas ng Public Assistance and Media Relations Service (PAMRS) ng Department of Agrarian Reform (DAR), idiniin ni Mariano na masyadong malisyoso at tsismis lamang ang kumalat na balita.
 
Sec. Taguiwalo
Sec. Taguiwalo

Sinabi pa ng kalatas na ang naturang tsismis ay isang bahagi ng dis-impormasyon para lituhin ang publiko at isabotahe ang pagnanais ni Mariano na maipatupad ang tunay na repormang agraryo sa bansa.

Tiniyak din ni Mariano na ipagpapatuloy nito ang makamagsasakang adyenda at mga polisiya sa DAR alinsunod na rin sa adyenda ni Duterte para sa tunay na pagbabago sa agrikultura kung saan ang esensya ay pamamahagi ng mga lupa sa mga magsasakang matagal nang nagsasaka, ngunit hindi pa nakukuha ang kanilang lupa alinsunod sa repormang agraryo ng pamahalaan.

You May Also Like