Marcos, Quirino, at Aquino III ay Kuwalipikadong Ilibing sa Libingan ng mga Bayani

 

 

BAGAMAT maliliit ang bilang, sunud-sunod ang pakalat-kalat na kilos-protesta ng mga galit sa namayapang Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Noon pang Pebrero 1986 napatalsik si Marcos sa kapangyarihan at namatay sa Hawaii makalipas ang tatlong taon.

Hanggang ngayon bitbit ng iilang aktibista ang sinasabing mga krimeng nagawa ni Marcos sa mamamayang Pilipino mula nang ideklara niya ang batas-militar bago matapos ang kanyang ikalawang termino noong 1973.

Ang mga akusasyon kay Marcos ay pagnanakaw; paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang pamamaslang sa maraming inosenteng mamamayan at mga kontra-Marcos; at pagkitil sa demokrasya.

Napakabigat na mga akusasyon, ngunit pagkalipas ng 30 taon ay walang korte ang nagdesisyon na nakagawa ng krimen si Marcos.

May sala ang kilusang kaliwa, sapagkat hindi nito naipanalo ang akusasyon laban kay Marcos.

Hindi nakumbinsi ng kilusang kaliwa ang mamamayang Pilipino hanggang sa kasalukuyang henerasyon na masamang tao si Marcos.

Mas nakumbinsi pa nga ng mga Marcos na sila ay naglilingkod sa mamamayan, kaya nga tatlo sa kanila ang naging kongresista, dalawa ang naging gobernador, isa ang naging senador, at ang senador ay muntik nang maging pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas kung hindi nadaya.

Huwag na tayong maglokohan, maraming nakakaalam na maraming nandaya nitong nakalipas  na halalan upang manalo.

Kahit nga si Rodrigo Duterte ay binalak na dayain upang maipanalo si Manuel Roxas II sa pagkapangulo ng bansa, ngunit dahil humarurot nang husto pataas ang boto ni Duterte, kaya hindi na kinayang mapigilan ang pagkapanlo ni Duterte.

Napakagandang oportunidad sa pamilya Marcos na naging Pangulo si Duterte, kaya naihimlay ang mga labi ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Sinunggaban na ng pamilya Marcos ang pagkakataon, sapagkat mahihirapan silang makakuha ng ‘mabait’ na Pangulo sa kanila upang mailibing si Marcos sa LNMB.

Lahat ng Pangulo mula kay Corazon Aquino hanggang kay Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay tutol sa paglilibing kay Marcos sa LNMB, maliban kay Joseph Ejercito Estrada.

Sinubukan ni Estrada ipalibing si Marcos, ngunit umatras nang biglang sumulpot ang mga kontra-Marcos sa pangunguna ni Cory Aquino.

Syempre, hindi pinayagan ni Pangulong Aquino III na mailibing si Marcos dahil malaki ang galit ng taong ito sa pamilya Marcos.

Ngunit, ang nakababanas ay naipalibing ni Aquino III si Pangulong Elpidio R. Quirino nitong Marso ng taong kasalukuyan, samantalang hindi naman ito bayani tulad din ni Marcos.

Dumalo sina Aquino III at dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Si Quirino ay nanalo sa eleksyon na ayon sa kasaysayan ay isa sa mga pinakamadayang eleksyon sa pagkapangulo ng bansa.

Si Quirino ay tuta ng Amerikano.

Mas inatupag niya ang interes ng Amerika at iilang mayayaman at asindero, kaysa ang sa mahihirap na mga Pilipino.

Niloko niya ang kilusang kaliwa, kaya nagpatuloy ang kanilang pag-aaklas laban sa administrasyong Quirino.

Hindi nagawa ni Quirino na bawasan ang napakalalang kahirapan, talamak na korapsyon, talamak na krimen, at marami pang iba.

Kaya, tiniyak ng Estados Unidos ng Amerika sa pamamagitan ng Central Intelligence Agency (CIA) na si Defense Sec. Ramon Magsaysay na lumipat sa Nacionalista Party (NP) ang manalong Pangulo noong eleksyong 1953.

Bakit walang tumutol sa paglilibing kay Elpidio Quirino sa Libingan ng mga Bayani, gayong alam na alam nating lahat na hindi bayani si Quirino?

Bakit walang nagprotesta gayong napakaraming krimeng nagawa si Quirino sa mamamayang Pilipino at sa Pilipinas?

Bakit hindi natin nakalimutan ang kanyang mga kasalanan?

Ngunit, kahit na nagkasala pa si Quirino, walang korte sa Pilipinas ang nagpasyang nakagawa siya ng krimen.

Kaya, nararapat lamang na ilibing siya sa LNMB, sapagkat siya ay naging Pangulo ng Pilipinas.

Nagpasalamat ang pamilya Quirino kay Aquino III.

Ganoon din si Marcos, hindi napatunayan ng anumang korte na nakagawa siya ng krimen.

Inilibing siya sa Libingan ng mga Bayani, sapagkat ayon sa Korte Suprema si Ferdinand E. Marcos ay dating Pangulo ng Pilipinas at dating sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nagpasalamat ang pamilya Marcos kay Duterte at sa mamamayang Pilipino.

At humingi rin sila ng paumanhin sa payak, pribado, at taimtim na paghihimplay sa mga labi ni Marcos.

Palagay ko si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay karapatan din niyang mailibing sa LNMB kahit marami siyang pagkakasala at ang kanyang pamilya sa mamamayang Pilipino tulad ng Mendiola massacre, Nueva Ecija massacre, Luisita massacre, paggamit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), Disbursement Acceleration Program (DAP), bilyun-bilyong pondo para sa mga biktima ng super bagyong Yolanda na hindi pa rin nabigyan ng bahay, pagkamatay ng 44 kasapi ng Special Action Force (SAF), at marami pang iba, sapagkat siya ay naging Pangulo ng bansa.

Karapatan iyan ni Noynoy bilang dating Pangulo.

Ito ay sa kabila ng maraming Pilipino ang tututol at magpoprotesta.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like