Maraming ‘Kotong Cops’ sa MPD—Erap

Ni: Belle Orlina

HALOS inamin na ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na maraming pulis sa Manila Police District (MPD) na nangongotong sa mga tindero’t tinder sa lansangan.

Protektor din ng mga iligal na terminal ng mga pampublikong sasakyan ang ‘kotong’ cops na mga  ito, banggit ni Estrada na tinagurian niyang “bugok na itlog.”

Idiniin ng alkalde na hindi niya masikmura ang iligalidad na ginagawa ng ilang pulis sa MPD, kaya gusto niyang tanggalin ito ni Senior Supt. Joel Colonel, hepe ng MPD.

Ang binabanggit ni Estrada ay matagal nang nangyayari sa Maynila, kung saan kumikita ng malaking halaga ang mga tiwaling pulis mula sa mga bendor at iligal na terminal.

Nabatid ng Tapat News online na malaki ang kinikita ng mga bugok na pulis ng MPD dahil maraming bendor sa Maynila at iligal na terminal.

Si Estrada ay naging akalde ng Maynila noong 2013.

Muli siyang nahalal nitong Mayo 9.

 

 

Ang kasalukuyang mga opisyal at miyembro ng MPD ay nariyan na bago pa man maging alkalde si Estrada.

Walang natanggal na pulis sa MPD, maliban kay Chief Supt. Ronaldo Nana at ilang staff nito na nalipat sa Philippine National Police National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO), simula nang maging alkalde si Estrada sa Maynila.

Si Colonel ang pumalit kay Nana, alinsunod sa atas ni Director Genetal Ronald “Bato” dela Rosa, hehe ng PNP nitong Hunyo 30.

Idiniin ni Estrada na wala siyang nakikitang tamang dahilan upang maging korap ang mga pulis dahil pinasasahod sila nang wasto ng pamahalaan.

Kaya, inatasan ni Estrada si Colonel na tanggalin sa MPD ang kotong cops.

“Bago pa man makahawa ang mga bugok na itlog na ito, tanggalin mo na,” sabi ng alkalde.

“Stop all forms of kotong and dismiss anyone if warranted,” dagdag niya.

“Magsasagawa kami ng paglilinis batay sa direktiba ng alkalde. Mag-iimbestiga kami upang matukoy ang mga pulis na gumagawa ng iligal at labag sa batas,” tugon naman ni Colonel.

“Sasampahan namin ng kaso ang mga mapapatunayang nangongotong na mga pulis at nagpoprotekta ng mga iligal na terminal ng mga pampublikong sasakyan,” patuloy ni Colonel.

 

You May Also Like