Mapagpasyang Pamumuno

MARAMING klase ang pamumuno, o estilo ng pamumuno ng isang pinuno.

Sa kaso ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, mapagpasyang pamumuno (decisive leadership) ang kanyang pinaiiral.

Kapag sinabing  mapagpasyang pamumuno, mabilis na kumikilos at hangad ay kongkretong resulta sa mga binabanggit, o pahayag ng isang  pinuno.

Ayaw ng mapagpasyang pinuno na panay ang satsat.

Ayaw niyang  nasasayang ang kanyang mga sinasabi.

Gusto niya, bawat sabihin niya, lalo na sa mga malalaking usapin at suliranin, ay mayroong resulta.

Ang sinasabi ng mga dalubhasa at mananaliksik, naiinis, nagagalit, at sa pinakamasahol na expresyon, ‘nagwawala’ ang mapagpasyang pinuno kapag pumalpak ang ginusto niya.

 

 

Ganyan si Duterte.

Pansinin ninyo kapag nagsasalita, o nagbibigay si Duterte ng mga direktiba, o atas sa kanyang mga pinamumunuan.

Hindi ba’t may dating? Hindi ba’t may puwersa? Hindi ba’t tila nag-uutos sa mga tauhan niya na tiyakin ng mga ito na mayroong resulta sa trabahong ipinagkatiwala niya, sapagkat kung hindi tanggal sila.

Kapansin-pansin din na madalas nagsasalita si Duterte ng: “Hindi tayo naglolokohan dito.”

Ang punto ay “tayo ay naririto sa trabahong ibinigay sa atin ng mamamayang Pilipino upang magtrabaho. Kung ayaw ninyong magtrabaho, umalis kayo… Tangi… n’yo!”

Sa unang tingin…nakaiinis, nakababanas, nakaiinsulto, at  nakagagalit, sapagkat paniwala nating lahat ay walang galang si Duterte, walang modo, walang pagpapahalaga sa nararamdaman ng kapwa niya

Sa madaling salita, bastos!

Ngunit hindi. Ang lahat ng nabanggit natin ay pawang kabaliktaran.

Ang nakikita at impresyo natin sa bagong Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay pawang  mga katangian ng isang pinuno, o lider na matapang at mapagpasya at ang gusto ay resulta.

Ganyan ang kailangan nating Pangulo ngayon sa Pilipinas dahil ang mga problema ng ating bansa ay higit pa sa Pacific Ocean ang lawak.

Kung hindi si Rodrigo Duterte, maaari rin namang ibang tao.

Basta, ang kailangan ay “matapang”, “mapagpasya”, at ang “gusto ay mayroong resulta sa mga ginagawa.”

Kaso, sa limang tumakbong pangulo ay mukhang si Duterte ang kakaiba.

Kahit pa si Mirriam Defensor-Santiago na sinasabing matapang at walang kinakatakutan ay hindi kayang gawin ang ginagawa ngayon ni Duterte.

Tingnan ninyo, ang  posisyon ni Duterte ay dapat mamamatay ang mga drug dealer kung lumaban sila sa mga pulis.

Marami nga ang namatay. Higit nang 100 mula nang siya ay manalo sa eleksyon noong Mayo 9.

Siya rin lang ang pangulo na walang kakurap-kurap na inilantad ang baho ng limang heneral ng Philippine National Police (PNP) na protektor ng sindikato ng droga.

Siya rin lang ang malinaw na naglantad ng tatlong pangunahing lider ng sindikato sa droga (ang dalawa ay nakakulong sa New Bilibid Prisons at ang isa naman ay nasa ibang bansa).

Ang sabi ni Duterte, walang parorooan ang dalawang nasa loob ng bilangguan, kundi mamatay kung tumakas, o magpakamatay habang nakakulong.

Samantalang, iyong nasa ibang bansa ay siguradong patay kapag tumuntong ito sa airport.

Binalaan din niya ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na itigil na ang pagnanakaw ng pondo ng pamahalaan, kung hindi, mas mainam kung aalis na lang sila sa gobyerno.

Kung magmamatigas pa rin sila, tiyak mayroon silang kalalagyan  at iyan ay bilangguan.

Ngunit, kung napakatalamak nang korap o mandarambong (plunderer), huwag naman sanang makitang nakahandusay sa kalsada ang kanilang duguang bangkay.

Tingin namin, ang pagkakaluklok kay Rodrigo Duterte sa Malakanyang ay hindi “destiny” o itinakda ng panahon.

Ito ay resulta ng kasaysayan.

Si Duterte ay isinilang ng lipunang naghihingalo.

Hindi naman mamamatay ang lipunan, kaya lang hirap na hirap na ito. Pagod na pagod.

At ang totoo pa nga ay hiyang-hiya na ito sa kanyang sarili, sapagkat ang isinilang nitong ‘anak’ noong 2010—Mayo din noon—ay panay sakit ng ulo at kahihiyan ang ipinamalas at ginawa.

Sina Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd at Rodrigo Roa Duterte  ay parehong ang ‘diyalektikal na paggalaw ng lahat ng bagay sa lipunan’ ang naging kumadrona.

Ang pinagkaiba ng dalawa ay matino si Duterte at si Aquino naman ay sutil.

You May Also Like