Mapagpasyang Pamumuno

 

 

KAPANSIN-PANSIN ang mga nagawa ni Regina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na sa loob lamang ng higit isang buwan ay walo na ang ipinasuspindeng minahan at napasimulan na rin niya ang pagpapabaklas sa mga iligal na palaisdaan sa Lawa ng Laguna.
 
Hindi nagdalawang isip si Lopez na ipatigil ang operasyon ng walong minahan, sapagkat kumbinsido siyang lumabag sa batas para protektahan ang kapaligiran, o hindi tumalima sa internayunal na pamantayan sa pagmimina ang walong kumpanya.
 
Ang sinimulang pagbaklas sa iligal na palaisdaan nitong Martes sa bahagi ng Lawa ng Laguna sa Binangonan, Rizal ay masasabi naming kagulat-gulat, sapagkat hindi namin akalain na mangyayari ito.
 
Sigurado kaming matagal nang hinahanap ng mamamayang Pilipino ang mga katulad ni Regina Lopez na dapat mamuno sa DENR nang tapat at mapagpasyang mamamahala at mamumuno ng kagawarang inatasan ng Saligang-Batas ng Republika ng Pilipinas na mangalaga at magmahal sa  kapaligiran at kalikasan ng bansa.
 
Kasama sa sinasabi naming pamumuno at pamamahala ay ang pagpapatupad ng mga batas at polisiya para sa kapaligiran at kalikasan.
 
Sa ganito, hindi nasayang ang mga batas at polisiya ng bansa.
 
Ngayon, tiyak kaming hindi na lamang pawang mga palamuti  ang mga batas at polisiya ng DENR.
 
Siyempre, todo-suporta si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginagawa ni Lopez, sapagkat ang gusto naman ng Pangulo ay ayusin ng mga negosyante ang pagnenegosyo sa Pilipinas para walang pagtalunan ang pamahalaan at mga kapitalista.
 
Ang gusto ni Duterte, sundin at ipatupad ang batas sa pagmimina, tumalima at pairalin ang mga internasyunal na pamantayan sa pagmimina.
 
Alam ni Duterte at maging ni Lopez na alam na alam ng mga kumpanyang nagmimina na hindi dapat sila manakot o magyabang, sapagkat maliit lamang ang ambag ng industriya ng pagmimina sa gross domestic product (GDP) at sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mga Pilipino.
 
Sa istadistika mismo ng pamahalaan, wala pa sa isang porsiyento ang naibibigay ng industriya sa pagmimina sa GDP simula noong 2005 kung saan nagkaroon ang Pilipinas ng batas hinggil sa pagpapasigla ng industriya ng pagmimina sa bansa.
 
Simula rin noong 2005, umabot lamang sa 250,000 ang trabahong naibigay ng naturang industriya para sa bansang higit 67 milyon ang manggagawa, o may kapasidad na magtrabaho.
 
Lumilitaw ang katotohanan na higit na kumikita ng malaki ang mga kumpanya sa pagmimina kaysa ang ekonomiya ng bansa at mamamayan nito.
 
Gayundin naman ang mga palaisdaan sa Lawa ng Laguna—iilang mayayaman at heneral lamang nakikinabang.
 
Ang mga maliliit na mangingisda ay ‘nakikisawsaw’ lamang upang kumita na magagamit na pantawid-gutom sa kani-kanilang pamilya.
 
Ang masama sa minahan at palaisdaan, hindi na nga malaki ang ambag sa ekonomiya at tulong sa mamamayang Pilipino, hindi pa sumusunod sa batas.
 
Kaya, wasto lamang ang polisiya ng administrasyong Duterte para tumino ang mga nagpapamina at may malalaking palaisdaan.
 
Wasto lamang na isang Regina Lopez ang itinalaga ni Pangulong Duterte sa DENR, sapagkat ang higit isang buwan na niyang nagawa ay labis-labis na patunay upang siya ay pagkatiwalaan.
 
Hindi katulad ni Ramon Paje na nagpasarap lamang sa kanyang de-aircon na tanggapan sa Visayas Avenue, Quezon City sa loob ng anim na taon.
 
Marami nang oganisasyon ang kumakalambag kay Paje hinggil sa mga paglabag sa batas sa pagmimina, ngunit hindi naman ito nakinig.
 
Tuloy, nag-iisip noon ang mamamayan na baka kumikita si Paje mula sa mga dambuhalang kumpanya ng pagmimina, kaya siguro bingi ang dating kalihim.
 
Ngunit, hindi nila magawang akusahan nang diretso si Paje, dahil wala naman silang sapat na ebidensiya na magdidiin sa sa kalihim noon ng DENR na nagpapayaman lamang habang nasa kapangyarihan.
 
Kampante noon si Paje, sapagkat ang kanyang amo sa Malakanyang ay wala namang iniuutos na kumilos siya laban sa mga minahan sa iba’t ibang bahagi ng bansaa, kahit pa maraming reklamo ng patayan sa mga tumututol sa iligal na pagmimina.
 
Mabuti na lang sa pagkakataong ito, si Rodrigo R. Duterte na ang Pangulo ng Pilipinas na binibigyan tayo ng magandang oportunidad na mabago ang lahat ng hindi nagawa nitong nakalipas na anim na taon.
Ang pagkakaroon ng isang kalihim na mayroong mapagpasyang pamumuno ay magandang pagkakataon upang gampanan ng DENR ang mahigpit na utos ng Saligang-Batas sa kanya para pangalagaan at payabungin ang kapaligiran at kalikasan ng Pilipinas.

You May Also Like