Manhid ka ba?

manhid ka

May mga bagay tayong ginagawa (o hindi ginagawa) na akala natin ay hindi napapansin ng kahit na sino man. Mga simpleng bagay na pinalalampas natin o hindi masyadong binibigyan ng halaga, ngunit lumalabas na napaka-importante pala. Mga bagay na kapag napabayaan natin ay nakadudulot ng abala o inis sa ibang tao. Ang lagay eh, kailangan nating makisama—yung wastong uri ng pakikisama ha.

Kahit na ba mas madaling gawin kung ano lang ang gusto mo, tandaang hindi ikaw ang iniikutan ng mundo. Naalala mo pa ba ang Golden Rule? Gawin sa iba ang nais mong gawin din sa ‘yo. Bakit mahalaga ito? Dahil mahalaga ang tao, kaya’t mahalaga rin kung pa’no natin sila pakitunguhan. Kung nakikita mo ang sarili mo sa listahang ito, manhid ka nga! Buti na lang habang may buhay ay may pag-asang baguhin ang kailangang baguhin!

1. Ang pagsasalita ng malakas sa pampublikong sasakyan, lalo na kung ikaw ay nasa sasakyang tahimik tulad ng LRT, MRT, o FX. Hindi na namin kailangang malaman kung sino ang nakabuntis kay ganyan, o kung bakit iniwan ni ganito si ganyan, o kung saan mang lupalop kayo gigimik. Tanda ng kawalan ng modo ang pagsasalita ng malakas sa mga pampublikong sasakyan, ganun na rin ang pagpapatugtog ng malakas. Hindi bawal magkwentuhan, mga katoto. Pero kung magkukwentuhan ay huwag naman sanang parang nasa kabilang bundok ang kausap sa lakas ng boses.

2. Ang pagpapatugtog ng videoke sa dis-oras ng gabi. Kailangan pa bang ipaliwanag ito? Oo, masayang magkantahan. Pero igalang natin ang oras ng tulog ng mga tao. May mga taong sadyang manhid, umaabot hanggang umaga ang kanilang sintunadong pagkanta ng Skyline Pigeon. Please naman, isipin din natin ang kapakanan ng iba na pagod na pagod sa trabaho at gusto nang matulog lalo na’t may pasok pa kinabukasan.

3. Ang hindi pagligo o pagsipilyo. Alam niyo bang manhid na tayo sa sarili nating BO or body odor, o sa madaling salita ay anghit? Oo. Hindi natin mapapansin kung tayo ay nangangamoy na, pero yung katabi natin sa jeep, maaamoy niya na isang linggo ka nang hindi naliligo. Ganun din ang hindi pagsipilyo. Huwag na nating hintaying mag-biro ang ating mga kasama na tulad nito: “Pare, alam ko ang ulam ninyo kanina. Pusit! Naaamoy ko pa eh.”

4. Ang hindi nagsasabi ng “thank you.” Magpasalamat sa lahat ng bagay, maliit man o malaki. Isa yan sa katangian ng mga Pilipino na hindi dapat tinatalikuran o kinakalimutan. Madalas kasi, nakakaligtaan nating magpasalamat. Tanungin ninyo yung nagbigay ng kanyang upuan sa bus o LRT kung ano ang pakiramdam ng hindi napasalamatan. Tayo ay nagpapasalamat hindi lang bilang ganti sa gumawa sa atin ng kabutihan; ito ay tanda rin ng sibilidad. Ugaliing magpasalamat kahit sa mga nagsisilbi sa atin.

5. Ang hindi nagre-reply sa text. May mga taong hindi sanay mag-text. Kaya kapag tayo ay nakatanggap ng text, magkaroon naman tayo ng konting pag-unawa sa pagod nila kaka-text sa inyo sa cellphone at mag-reply. Kung walang load, maki-text muna sa iba. Ganun din sa tawag. Handa siyang gumastos para lang makausap ka, at may dahilan siya na tumawag at kausapin ka kahit na pwede naman niyang i-text. Tawagan mo siya kung nagmiss call siya, o mag-text man lang para tanungin bakit siya napatawag. Ang hindi marunong mag-reply ay may kakulangan sa konsiderasyon sa ibang tao.
Ilan lang ‘yan sa mga halimbawa ng pagka-manhid, at siguradong madagdagan niyo pa yan. Huwag naman sana tayo maging manhid; mas masaya ang buhay kung maging sensitibo tayo sa pangangailangan ng bawat isa.

You May Also Like