Mambabatas Nograles, nagsasayang ng pera ng taumbayan

Ni: Nelson S. Badilla

Mayroon press release ang Kamara del Representantes na nag-aanunsiyong si Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles ay muling ihahain ang House Bill No. 6433 sa ika-17 Kongreso.

Ang laman ng nasabing panukalang batas ay atasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na pairalin ang “kultura ng boluntaryong pagsunod” ng mga negosyante sa mga batas-paggawa ng bansa.

Nitong nakalipas na Kongreso, ikalawang pagbasa lang ang inabot ng HB 6433 sa Kamara.

Hindi pinansin sa Senado ang naturang ideya nila ni Butil party-list Rep. Agapito Guanlao (sa orihinal na panukala ay kasama ni Nograles si Guanlao).

Sabi sa press release, titiyakin daw ni Nograles na maipapasa na ang HB 6433 sa susunod na Kongreso upang maging batas.

Ang totoo, hindi lang nagsasayang ng oras at panahon si Mambabatas Nograles, kundi pera ng taumbayan dahil ang sinasahod at allowance niya ay galing sa buwis na ibinabayad ng mamamayan.

Kung gusto ni Nograles na sumunod ang mga kapitalista sa batas-paggawa ng Pilipinas, hindi isang batas na maghihikom sa kanila na sundin at ipatupad ang mga batas-paggawa, kundi batas na nag-uobliga sa kanila na sundin at ipatupad ang mga batas pabor sa manggagawa.

At parusa ay hindi bababa sa 50 taon ang pagkabilanggo sa Iwahig o di kaya ay kamatayan/bitay.

Simula nang isilang ang sistemang kapitalismo sa Pilipinas hanggang lumaki ito, hindi nag-isip ang mga negosyante—lalo na iyong mgaa higanteng kapitalista—na sundin at ipatupad ang mga batas-paggawa.

Ang totoo, kaya nagkaroon ng mga batas-paggawa dahil talamak at sagad-sarin ang mga negosyante sa pagsasamantala sa mga mangagagawa.

Ang batas ay sinusunod at ipinatutupad ng lahat ng mamamayan.

Kung hindi sumunod ang sinuman ay karampatang parusa.

Ngunit, ang nangyayari sa Pilipinas ay hindi sinusunod ang mga ito.

Halimbawa, mayroong batas ang ating bansa hinggil sa minimum na sahod bawat buwan ng mga manggagawa, ngunit hindi pa ito ipinatutupad gayong maliit naman ito.

Ang tingin bang solusyon sa paglabag na ito ay batas na naghihimok sa mga negosyante na “boluntaryong pagtupad” sa minimum wage law?

Kailangan bang magkaroon ng kultura ng boluntaryong pagsunod.

Dapat alam ni Kongresista Karlo Alexei Nograles na hindi boluntaryong pagtupad sa mga batas ang kailangan ng bansang ito kundi paano titiyakin na ang mga negosyante ay “istriktong” sinusunod at pinaiiral ang mga batas-paggawa.

Ang kailangan ng bansang ito ay kultura ng pagsunod sa batas lalo pa’t ang Pilipinas ay isang bansang umiiral ang “rule of law.”

Kung ako kay Mambabatas Nograles, iba ang pagtuunan niya ng pansin, oras, panahon, at pag-iisip.

Bakit hindi niya bigyan ng pokus ang pagbuwag sa lahat ng Regional Wage and Productivity Board (RPWB) dahil wala itong saysay.

Ang mga opisyal at kawani ng RWPBs ay regular na sumasahod, ngunit ang kanilang naisip at ipinasa nitong Mayo ay P10 dagdag sa sahod ng mga mangagagawa sa Metro Manila, kaya P491.00 na ang minimum na sahod bawat buwan ng ng mga manggagawa sa Metro Manila na siyang pinakamataas sa buong bansa.

You May Also Like