Maling paratang kay Monsignor Ramirez

The DreamerAng hirap sa iba sa atin, sumasama na lang tayo parati sa agos. Tulad ngayon na uso ang Church-bashing, sa bawat balita na may pari involved, masama na agad ang pari.

Kawawa naman si Msgr. Josefino Ramirez. Kilala ko siya kasi spiritual director ko siya at nagsilbi ako bilang head (pro bono) ng selebrasyon ng ika-400 anibersaryo ng Nazareno ng Quiapo.

Una, hindi totoo na yung tseke na ibinigay kay Ramirez ay monthly stipend para sa kanya kundi donasyon ng charity foundation para sa simbahan at mga proyekto nito.

At isa pa, hindi naman alam ni Ramirez kung saan galing ang pera ni Napoles, ang sabi broker at supplier siya. Parang kontribusyon ng mga tao sa Misa tuwing Linggo, tinatanong pa ba ng pari kung saan galing ang linagay natin sa collection plate?

Pati nga ang sinasabing imahen ng Nazareno na dinadala sa bahay ng pamilya nila Napoles tila ginagawan ng isyu. Sa katunayan, ang replikang ito ay pag-aari ng nanay ni Napoles na ipinagawa pa nito noong panahong rector ng Quiapo c hurch si Ramirez, sapagkat dati pang deboto ng Nazareno si Mrs. Magdalena Luy Lim. Itong imahen na ito ang iniikot sa mga bahay ng mga anak niya lingo-linggo. Hindi ito ang replica ng Nazareno na pag-aari ng Quiapo Church at wala pong masama doon.

Ang nanay ni Napoles na si Mrs. Luy Lim ay matagal nang benefactor ng Simbahan. Sya ang sponsor ng araw-araw na feeding program ni Ramirez sa Binondo, sa reclamation, at sa Quiapo. Marami siyang sinuportahan na mga proyekto ni Ramirez.

Nang mamatay si Mrs. Lim noong 2008 ay ipinagpatuloy ni Janet Napoles at ng kanyang mga kapatid ang pagkabukas-palad ng ina sa pamamagitan ng pagtayo ng isang foundation sa ngalan niya (Magdalena Luy Lim Charity Foundation in the service of the Divine Mercy, Inc. Hindi po ito kasama sa mga NGO na ginamit sa pork barrel scam).

Lahat ng tinutulungan ng ina nila ay patuloy na tinulungan ng pamilya nila. Isa na si Msgr. Ramirez dito. Kaya nang pinili si Ramirez bilang Continental Coordinator for Divine Mercy Asia ng Roma ay agad nilang sinuportahan ito. Sa katunayan, nagpahiram pa ang pamilya ng dalawang bahay na ngayon ay ginamit bilang venue ng mga formation seminars at bilang tirahan ng mga pari at madre galing sa mainland China. Labindalawang grupo na ng mga tig-benteng pari at madre ang dumaan sa formation at naturuan ng Ingles sa pamamagitan ng proyektong ito ni Ramirez.

Bilang dating Vicar General ni Cardinal Sin na may track record ng mga matagumpay at lehitimong proyekto, madalas binibigyan si Ramirez ng mga assignment ng Cardinal. Malapit kasi si Ramirez sa Chinese community. Mataas ang respeto nila kay Ramirez at alam nilang walang nasasayang sa binibigay nilang donasyon.

Natural, bawat proyekto ay nangangailangan ng pondo. Saan niya kukunin ‘yon? Ang Chinese community ang sumusuporta kay Ramirez.

Nakalulungkot lang na marami sa atin ang dali agad humusga nang ‘di tinitingnan ang track record ng ibang tao.
Sana po ay bigyan muna natin ng “benefit of the doubt” para magkaroon ng pagkakataon na malaman ang buong istorya bago tayo magbigay ng hatol.

Kinaklaro ko lang ang mga maling paratang kay Monsignor Ramirez. Hindi po ito pagtatanggol sa mga Napoles dahil naniniwala ako na kung may mali silang ginawa, dapat silang managot sa kasalanan nila sa sambayanang Pilipino.

You May Also Like