Malapitan kinuha kay Asistio ang pamumuno sa Caloocan Anti-Illegal Drug Council

 

 

PULONG NG CADAC: Magkatabi sina Mayor Oscar Malapitan (nakatalikod na nakasuot ng asul na jacket) at Vice-Mayor Macario Asistio III (nasa kaliwa ni Malapitan) sa pulong ng Caloocan Anti-Illegal Advisory Council (CADAC) kung saan pinag-usapan ang mga proyekto nito na pinangunahan ng planong magtayo ng drug rehabilitation center sa lungsod. (kuha ng Caloocan PIO)
PULONG NG CADAC: Magkatabi sina Mayor Oscar Malapitan (nakatalikod na nakasuot ng asul na jacket) at Vice-Mayor Macario Asistio III (nasa kaliwa ni Malapitan) sa pulong ng Caloocan Anti-Illegal Advisory Council (CADAC) kung saan pinag-usapan ang mga proyekto nito na pinangunahan ng planong magtayo ng drug rehabilitation center sa lungsod. (kuha ng Caloocan PIO)

Ni: Bernard Badilla Toledo

LUMILITAW na dismayadong-dismayado si Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa resulta ng operasyon ng Caloocan Anti-Illegal Drug Council (CADAC), kaya kinuha ng alkalde ang pamumuno nito kay Vice-Mayor Macario “Maca” Asistio III.

Ginawang pangalawang chairman si Asistio ng CADAC.

Itinalaga rin ng alkalde si Senior Supt. Johnson Almazan, hepe ng pulisya ng Caloocan, bilang co-vice chairman ng CADAC.

Ibig sabihin, sa reorganisasyong naganap sa CADAC, ang pinuno na nito ay ang alkalde, at hindi ang ikalawang alkalde na siyang umiral sa mga nakalipas na taon.

Tinanggal din ni Malapitan bilang mga kasapi ng CADAC ang mga konsehal.

Ang inilagay ni Malapitan ay ang ilang opisyal ng pamahalaang lokal, kabilang na si Nolan Sison, pinuno ng Public Information Office (PIO).

Sa kanyang press statement, idiniin ni Malapitan na ang layunin ng reorganisasyon ay upang gawin “mas malakas at mas makapangaruhan ang CADAC para episiyenteng malabanan nito ang talamak na iligal na droga sa lungsod.”

Ayon kay Vince Liwanag, staff ni Asistio, suportado ng ikalawang alkalde ang desisyon ni Malapitan.

“Nasa mayor naman ang desisyon kung sino ang ilalagay niya,” banggit pa ni Asistio ayon kay Liwanag.

Kaya naman tinanggal ni Malapitan ang 12 konsehal sa CADAC ay upang magpokus na lamang sila sa paggawa ng mga ordinansa banggit ni Malapitan kay Sison.

Ang iba pang bagong mga kasapi ng CADC ay sina City Administrator Oliver Hernandez, City Prosecutor Ferdinand Valbuena, Department of the Interior and Local Government (DILG) Caloocan City Director Atty. Analyn Baltazar-Cortez, Division of City Schools Superintendent Rita Riddle, City Jail Warden Supt. Jolly Taguiam Jr., Liga ng mga Barangay President Konsehal Marc Merville Orozco, City Legal Officer Atty. Francis Carlo Taparan, City Health Officer Dr. Maybelle Sison, Community Relations officer Atty. Christian Nino Diaz, Public Safety officer Engr. Gilberto Bernardo, City Social Welfare officer Roberto Quizon, Parole and Probation officer Eulalia Columbretis, at mga represententatibo ng religious group at non-governmental organization.

Itinalaga rin ni Malapitan Atty. Sikini Labastilla (OIC- Human Resources Management Office), Supt. Realito Esperida at Supt. Reydante Ariza bilang mga “action officers” ng CADAC.

Sa unang pulong ng CADAC, nagpasa ito ng Resolusyon Bilang 1 na naglalaman ng malakas na suporta ng CADAC sa desisyon ni Malapitan na magtayo ng bagong drug addiction rehabilitation center sa lungsod.

Sa rekord ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), isa ang Caloocan sa mga talamak sa droga, partikular sa shabu.

Katunayan, marami na ang pinatay sa lungsod simula nang manalong pangulo si Rodrigo Duterte.

Kabilang sa mga pinatay ay ang kapitan ng Brgy. 188 (Tala) na si Edris Domato na pinaniniwalang drug lord.

Si Domato na ang operasyon ng droga ay mulang Caloocan City na umabot sa Malabon City, Navotas City, Valenzuela City, Quezon City hanggang Bulacan, ayon kay Malapitan, ay iniligpit ng dalawang hindi nakilalang mga “hired killer” noong Hunyo 24.

Ang mga kapatid ni Asistio na sina Luisito alyas “Piting” at Luis III alyas “Pachot” ay iniuugnay sa droga.

Si Luisito ay isinuko ng bise-alkalde nitong Hunyo kay Almazan.
Si Luis III naman ay napabalitang hinahanting ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ang tatay nina Macario, Luisito, at Luis III ay si dating Rep. Luis “Baby” Asistio.

You May Also Like