Mala-Makati Building, mga Kasong Kriminal na Isinampa sa mga Binay at iba pa

 
Ni: Bernard Badilla-Toledo

 

MISTULANG matayog na gusali sa Makati City ang dami ng mga kasong kriminal ang isinampa kay dating Bise-Presidente Jejomar Binay.

Idiniin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na malakas ang ebidensiya laban sa apat na kaso kaugnay sa paglabag sa Seksiyon 3 (e) ng Republic Act 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, siyam na kaso hinggil sa falsification of public documents na ipinaliwanag sa Article 171 ng Revised Penal Code (RPC) at kaso ng malversation of public funds alnsunod sa ipinaliwanag ng Article 217 ng RPC.
 
Ang anak ng dating ikalawang pangulo na si dating Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. ay kinasuhan din, ngunit dalawang kaso ng katiwalian at isang malversation.
 
Inakyat ng Office of the Ombudsman ang mga kasong kriminal sa Sandiganbayan upang dito na litisin ang mag-ama.
 
Ang napakaraming asunto ng mag-ama ay may kinalaman sa P2.2 bilyong halaga ng Makati Parking Building na itinayo noong alkalde pa ng Makati City ang matandang Binay.
 
Naungkat ang natatagong anomalya ng mga Binay nang imbestigahan sa Senado—hanggang sa nakakalap ng sapat na ebidensya laban sa mga Binay—nang higit isang taon inimbestigahan ng isang sub-committee ng Blue Ribbon Committee ng Senado nitong nakalipas na ika-15 Kongreso.
 

 

 

Kasama sa kasong katiwalian ay ang mga sumusunod:
 
1.              dating city administrator Marjorie De Veyra;
 
2.              dating city legal officer Pio Kenneth Dasal;
 
3.              dating budget officer Lorenza Amores;
4.              dating city central planning management heads Virginia Hernandez at Lina Dela Peña;
 
5.              dating BAC head Giovanni Condes;
 
6.              dating BAC vice chairman Ulysses Orienza;
 
7.              dating BAC Secretariat head Manolito Uyaco;
 
8.              dating BAC Technical Working Group chairman Rodel Nayve;
 
9.              dating city engineers Mario Badillo, Arnel Cadangan at Emerito Magat;
 
10.          dating city accountants Leonila Querijero at Cecilio Lim III;
 
11.          dating acting city accountant Raydes Pestaño;
 
12.          dating city treasurer Nelia Barlis;
 
13.          dating General Services Department officer Norman Flores.
 
Kinasuhan din sa katiwalian sina Orlando Mateo ng Mana Architecture and Interior Design, Co. (MANA) at Efren Canlas ng Hilmarc’s Construction Corporation.
 
Ang nakasama namang nakusahan ng mag-amang Binay sa kasong malversation ay sina De Veyra, Dasal, Amores, Hernandez, Badillo, Querijero, Pestaño, Barlis at  Lim as well as Mateo of Mana.
 
Kasama sa falsification cases ng matandang Binay ay sina De Veyra, Dasal, Amores, Condes, Flores, Nayve, Orienza at Badillo.
 
Upang makalaya pansamantala ang mga Binay at iba pang akusado, sila ay pinagpiyansa ng P30,000 bail bond bawat isang kaso ng katiwalian, P24,000 bail para isang kaso ng falsification at P40,000 bail bond para naman sa kasong malversation.
 
Ayon sa mga dokumento ng Office of the Ombudsman, sina Jejomar at Junjun Binay ay nakipagsabwatan sa iba pang dating opisyal ng Makati City upang maigawad ang kontrata sa Mana Architecture and Interior Design, Co. (MANA) para sa una at ikalawang bahagi ng Makati City Hall Building II project nang “walang naganap na public bidding.”
 
Ayon sa Ombudsman, umabot sa P11,011,294.77 ang naibayad sa MANA “despite its failure to deliver the approved plans and specifications under the contract.”
 
Inilinaw din ng Ombudsman na ang mag-amang Binay ay nakagawa rin ng kasong kriminal dahil ang construction stage ng proyekto ay iginawad sa Hilmarc’s Construction Corporation mula 2007 hangga 2011 ang tatlong kontratang nagkakahalaga sa P1.486 bilyon sa pamamagitan ng “simulated public bidding.”
 
Tinukoy din ng Obudsman na ang kontratang ibinigay sa Hilmarc’s ay napunta rito nang hindi  pa dinedesisyunan ang pondong nakalaan, plano ng proyekto, at specifications nito.
 
Palsipikado rin daw ang “invitation to bid” ang sinasabing nailathala ang proyekto sa pahayang Balita.
 
Binanggit din sa report ng Office of the Ombudsman na inaprubahan ng mag-amang Binay ang paglabas ng bayad sa Hilmarc’s kahit alam nilang walang batayan at walang mga dokumentong sumusuporta at walang batayan na magpapatibay ng ulat ng nasabing kumpanya.
 
Ang mga kasong isinampa sa mag-amang Binay ay pawang panggulo lamang upang ilihis sa tunay na isyung katiwalian na kinakaharap ng Liberal Party (LP), banggit ni Joey Salgado, tagapagsalita ni Binay.
 
Idiniin pa ni Salgado na hanggang ngayon ay nanatiling taga-pagtanggol ng LP ang Office of the Ombudsman sa pamumuno ni Morales. (May ulat si Joel O. Amongo)

You May Also Like