Makasaysayan ito

 

 

Ni: Nelson S. Badilla
 
KUNG hindi ito makasaysayan, hindi ko alam kung ano ang eksaktong nararapat itawag sa nagawang ito ng Social Security System (SSS) para sa mga pensiyonado.
 
Tinawag kong makasaysayang ang ginawang pagbabayad ng SSS ng P7.21 Bilyon sa 154,357   pensiyonado nitong Hunyo ng kasalukuyang taon, sapagkat napakahaba ang panahon ang ginugol ng ahensiya bago mabayaran ang mga kawawang mga retiradong manggagawa.
 
Napakahaba, dahil ang binayaran ng SSS na ipinagmamalaki ni Emilio de Quiros, Jr. ay iyong hindi nabayaran sa higit 154,000 pensiyonado mula 1985 hanggang 1989 bunga ng sinasabi ng SSS na “computer glitches” na nangyari sa limang taong binabanggit ko.
 
Dahil sa nangyari, nagkaproblema ang rekord ng SSS hinggil sa dapat nilang bayaran sa higit 154,357  retiradong kasapi ng pension fund.
 
Natural, kailangan nilang ituwid at iwasto ang pagkakamaling nagawa ng glitches upang mabayaran ng tama at eksaktong halaga ng benepisyong matatanggap ng mga apektadong pensiyonado.
 
Ang problema, noong 2011 lamang sinimulan ng SSS ang pag-aayos, pag-amin ni De Quiros.
 
Ganito ang paliwanag ng presidente at chief executive officer ng SSS na si De Quiros batay sa inilabas na press statement ng SSS: “Taong 2011 nang bumuo ang pamunuan ng SSS ng special team na siyang tumutok sa pag-aayos ng [mga] rekord ng [mga] pensiyonado.”
 
“Ginawa namin ang proyektong ito para maibigay sa ating mga pensiyonado ang benepisyong para sa kanila, na hindi na nila kailangan pang hingin [pa sa SSS],” pagtatanggol ni De Quiros sa ginawang pagwawasto—[uulitin ko]—na pinasimulan lamang noong 2011 sa pagkakamaling naganap noong 1985 hanggang 1989.
 
Matapos ang 27-taong pag-aantay, umabot sa P51,883.00 ang natanggap ng bawat isa sa 90 porsiyento ng 154,357 retiradong kasapi ng SSS.
 
Ang natitirang sampung porsiyento ay P100.00, o mas mababa pa ang natanggap.
 
Ganito ang paliwanag ni De Quiros kung bakit ganyan: “90 porsiyento ng 154,357 retirado ang nabayaran ng pension adjustment at back payment na pangkaraniwang nagkakahalaga ng P51,883.00 kada isang pensiyonado, habang ang natitirang 10 porsiyento ay nakatanggap ng P100.00, o mas mababa pa na accrued differential na ibinigay kasabay ng kanilang regular na buwanang pensiyon.”
 
Kaya ganyan ang resulta, “hindi [naman] lahat ng pensiyonado ay kuwalipikado sa pension adjustment, sapagkat may mga miyembro na natapos na ang manual verification ng kanilang kontribusyon mula 1985 hanggang 1989 noong sila ay nagpasa ng kanilang aplikasyon. May mga sitwasyon din kung saan kahit na nailatag, o na-irepost ang mga kontribusyon ay wala itong epekto sa kanilang tinatanggap na pensiyon,” paglilinaw ng opisyal.
 
Sa press release ng SSS, P7.21 Bilyon ang naibayad ng ahensiya sa higit 154,000 pensiyonado.
 
Nakalulula ang napakalaking halaga.
 
Parang nagtatampisaw tuloy ang mga pensiyonado sa bilyun-bilyong pera.
 
Bulatlatin natin para malaman kung nakalulula nga ang natanggap ng mga pensiyonado.
 
Matapos ang pagwawasto na tumagal nga ng 27 taon, ang idinagdag ng SSS sa benepisyo ng 154,357 pensiyonado  ay nasa average na P515.00 mula sa P51,833.00 bawat pensiyonado.
 
Siyempre, natutuwa ang mga pensiyonado dahil sa wakas nakuha na rin nila ang matagal na nilang inaabangang pera.
 
Siyempre, isa pang ikinasasaya nila ay malaking halaga ang natanggap nilang higit P51,000.
 
Para sa retiradong mahihirap na mga manggagawa ay napakalaki ng P51,833.00.
 
Kung hahatiin sa tatlong buwan, parang sumahod sila ng higit sa minimum na buwanang sahod sa loob ng tatlong buwan.
 
Palagay ko, unang pagkakataon ito sa kanilang buhay.
 
Ngunit, ang totoo superliit ang inabangan ng 90 porsiyento sa 154,357 pensiyonado.
 
Kung kukuwentahin kasi, P8.58333333 bawat buwan ang idinagdag sa pensiyon ng mga retiraadong manggagawa na nabiktima ng nagulong rekord ng SSS dulot ng computer glitches.
 
Opo, tama ang basa ninyo—higit P8.5 lamang ang itinuwid sa pagkakamali ng SSS!!!
 
Kaya naman malaki dahil higit 154,000 katao ang binayaran.
 
Walang-wala ito sa kinikita kada buwan ni SSS president at chief executive officer Emilio de Quiros bilang board member at commissioner ng Social Security Commission (SSC).
 
Umaabot sa P4,188,698.36 bilang board member at P2,656,000.00 bilang commissioner ang presyo ni De Quiros.
 
Kailanman, hindi naging empleyado si De Quiros sa SM Supermarket, o naging manggagawa man lang sa pabrika ng panundot ng kalan, o kinuhang gumawa ng tsinelas ng iligal na sub-contractor ng pagawaan ng tsinelas sa Lungsod ng Valenzuela.
  
Si De Quiros ay kapatid ni Conrado de Quiros, dating kolumnista ng Philippine Daily Inquirer.
 
Pero, ang mas mahalaga ay naging masugid na taga-suporta ni Manuel “Mar” Roxas 2nd si De Quiros.
—————–
Nelson Salazar BadillaBukod sa pagiging Kolumnista ng Tapat News, si Dr. Nelson S. Badilla ay Reporter ng The Manila Times, at  guro sa isang unibersidad sa Metro Manila.Ang itinuturo ni Dr. Badilla ay Public Administration at Basic Economics courses.Ang mga natapos niya ay Doctor in Education, Major Educational Management (University of Rizal System-Morong, Rizal), Master of Public Administration (University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance), at A.B. Political Science (Philippine Christian University).Kumuha rin siya ng higit 30 yunit ng Master in Education (Polytechnic University of the Philippines Graduate School).Sa susunod na semestre, kukuha si Dr. Badilla ng Master in Communication, na proyekto ng National Press Club (NPC) sa pakikipagtulungan ng Polytechnic University of the Philippines Graduate School.

You May Also Like

You May Also Like