MAKALIPAS ANG 13-TAON NABIGYAN DIN NG LUPA ANG 63 MAGSASAKA

 

Ni: Boy Celario

 

 

“PARA kaming nabunutan ng tinik. Parang imposible, parang isang panaginip na masasaka na namin ang lupang ibinigay ng gobyerno sa amin.”

Ito ang pahayag ni Allan Bello, pangulo ng Boli Ponti Agrarian Reform Beneficiaries’ Association, makaraang naibigay na ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa 63 mga magsasaka ang 43 ektaryang lupa na matatagpuan sa Brgy. Marangas sa Bataraza, Palawan.

Idiniin ni Bello na labingtatlong taon nilang inisip at ipinaglaban na makamit ang 43 ektaryang lupa na matagal na nilang sinasaka.

Dapat noong 2003 pa napunta sa kanila ang lupa makaraang magpasya ang DAR pabor sa kanila.

Ngunit, hindi naipatupad ang desisyon, sapagkat hinarang ito ng dating administrador ng Agro-Marine Industrial Corporation na dating may-ari ng lupain.

Ngayon ay sarili na nilang pag-aari ang lupang pag-aari ng Agro-Marine Industrial Corporation.

Naibigay ng DAR ang lupa sa 63 magsasaka nitong Hulyo 28 hanggang 29 na may kasamang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Marine Battalion Landing Team (MBLT) 12, at tauhan ng Commission on Human Rights (CHR).

Nang mapasok ang bukid, agad nagtayo ng kani-kanilang maliliit na barong-barong ang mga magsasaka upang makatiyak na hindi mawawala sa kanila ang ngayon ay pag-aari nilang lupain.

Ang 43 ektarya ay napunta sa 63 magsasaka sa pamamagitan ng pagpapatupad ng DAR ng desisyong isailalim ang 43 ektaryang lupain sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ang 43 ay bahagi ng kabuuang 206 ektaryang ipinasailalim noon pa sa repormang agraryo.

Sabi ni Bello ang matagal na panahon na kanilang paghihintay ay nagbunga ng isang matamis na bunga ng isang tagumpay makaraang mapasakamay nila ang kanilang lupang sinasaka.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like